HINDI tayo nagkamali sa pagbibigay-babala na balang araw ay papasukin tayo ng sakit na ebola sa pamamagitan ng mga pier.
Kaugnay ito, parekoy, ng pagkakadiskubre sa isang Filipinong seaman na maaaring natamaan na ng ebola virus at inoobserbahan sa bansang Togo sa West Africa.
Alalahaning panay ang biyahe ng mga barko papasok at palabas sa mga bansang tinamaan ng ebola gaya ng Liberia, Sierra Leone, Guinea, Democratic Republic of Congo at Nigeria.
At malaki ang posibilidad na may nahawa nang mga seaman sa mga barkong ito gaya ng nasabing Pinoy na seaman at iba pang seaman na dayuhan.
King-ina, anong malay natin na ang mga crew ng mga barkong ito, kasama ang kanilang mga barko, ay nagpupunta na rin sa Pinas?
Bagama’t may mga kompanyang barko na hindi na bumibiyahe sa nasabing mga bansa, nakararami pa rin ang dumaraong sa mga ito, lalo na ang mga nagdadala ng mga pangangailangan ng nasa isang milyon nang apektado o paralisado na sa buhay dahil sa nasabing sakit.
At dito posibleng magmula ang pagparito sa Pinas ng mga may sakit na ebola, Pinoy man o dayuhan.
Dahil na rin dito, dapat na talagang isama ng mga kinauukulan ang pagbabantay sa mga pier at hindi lang sa mga paliparan.
Ngayon, parekoy, matanong natin ang mga tagabantay natin laban sa sakit: mayroon na ba tayong naka-deploy sa ating mga pantalan laban sa ebola?
Kung wala pa, ngayon pa lang ay dapat nang kumilos ang mga kinauukulan sa usaping ito.
Isa pang punto kung bakit dapat nating palawakin pa at lalong higpitan ang mga pasukan sa ating bansa ay ang paglapit ng ebola sa ating mga dalampasigan.
Alalahanin na mayroon nang ilang Nigerian na maaaring may dalang ebola na nakapasok sa bansang Vietnam na malapit lang sa atin.
Sa rami ng mga Nigerian at iba pang dayuhan at Pinoy na lumalapag sa ating mga paliparan at dumaraong sa ating mga pantalan, aba, nararapat na talaga ang mahigit pa ala-Jaworski na pagbabantay natin laban sa king-inang sakit na ito. BURDADO/Jun Briones
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment