Friday, August 22, 2014

SC HINDI TUTA

ALAM ba ninyong sa susunod na anim na taong termino ni Pangulong Noynoy simula sa 2016 hanggang 2022, kung ipipilit nito ang term extension sa retokadong 1987 Constitution, ay magreretiro ang 11 justices ng Supreme Court?


At tiyak na magaganap ang pagretiro ng mga ito.


Simple lang ang ibig-sabihin nito, mga Bro.


Aapaw ang Aquino appointees dahil may lima na ngayong appointees niya.


Kung daragdagan niya ng 11 hukom ang lima ngayon, magiging 16 na ang bilang ng SC justices at sosobra sa 15-kataong miyembro ng SC.


Ano ang maaaring gawin ni PNoy rito?


Baka naman maging Department of Agriculture ang SC dahil sa DA, may Secretary Procy Alcala na, may Sec. Kiko Pangilinan pa.


Hehehe!


Magbubunga ng marami ang pagiging mapilit, este, matiyaga sa paghahangad ng term extension o pananatili sa poder.


NAKALIMA NA


Nakalima na si Pangulong Noynoy ng appointee sa SC.


Kay PNoy si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.


Appointees din niya sina Associate Justices Bienvenido Reyes, Estela Perlas-Bernabe at Marvic Leonen.


Pinakahuli si AJ Francis Jardeleza na kabibitiw lang bilang Solicitor General.


Sabi ng iba, paspasan at pilitan ang paglalagay ni PNoy ng mga mga batang Hukom para sa mga sarili nitong interes pagdating sa mga desisyon na kailangan niya.


BOKYA SI PNOY


Natesting ang paniniwala nina PNoy at mga tsuwariwap nito na kaya nilang kontrolin ang SC sa dalawang pinakamalalaking kaso na pinakialaman nang todo ng Malakanyang: ang Priority Development Assistance Fund at Disbursement Acceleration Program.


Anak ng tokwa, nabokya sina PNoy, walang apat na boto sa mga ito.


Sa halip, zero ang boto na nakuha nina PNoy para sa pagpapanatili at pagpapatuloy ng mga pork barrel na PDAF at DAP.


Ngayon ay may motion for reconsideration sina PNoy ukol sa DAP.


At si Jardeleza ang nagsulong ng nasabing mosyon sa SC.


Ang tanong: mag-i-inhibit ba si Jardeleza sa paggawa ng desisyon sa DAP?


O paninindigan ba nito ang sinabi niyang hindi siya maiimpluwensyahan ng kahit sino ngayong Hukom na siya?


Eh, alam naman natin na kung abogado ka para sa isang panig, kailangan mong gawin ang utos ng iyong bosing kahit labag pa sa iyong kalooban ang utos ni bosing.


Ngayong nasa bakod na si Jardeleza ng co-equal at separate ng Palasyo sa kapangyarihan, magpapakatotoo kaya ito sa kanyang pangako na hindi siya maiimpluwensyahan at magmumukhang tuta ng may tuta?


Subaybayan natin ‘yan.


MAY PAG-ASA SA SC


Sa ipinakita ng SC sa dalawang kaso ng PDAF at DAP, malaki ang ating paniniwala na kayang panatilihin ng mga Hukom ang dignidad ng SC bilang kapantay at hiwalay sa Palasyo at Kongreso at hindi ito magiging tuta-tuta na lang sila ng kung sino-sino mula sa dalawang makapangyarihang sangay ng pamahalaan.


Sana naman, mapanatili ito ng mga Hukom kahit dumating na ang araw na mapuno ang SC ng mga appointee ng makapangyarihan.


At sana rin, huwag sirain ng kahit sino ang dignidad ng Konstitusyon at batas na siyang sinasandigan ng mga Hukom sa kanilang gawaing ilagay sa ayos ang mga pang-aabuso sa kapangyarihan ng Palasyo at Kongreso.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www. remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda


.. Continue: Remate.ph (source)



SC HINDI TUTA


No comments:

Post a Comment