UPANG higit pang mapabilis ang proseso sa pagkuha ng lisensya para sa mga negosyo sa lungsod, inaanyayahan ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa pamamagitan ng Business Permits and Licensing Office (BPLO) ang lahat ng namumuhunan na makiisa sa isasagawang mga pagpupulong simula Agosto 19 hanggang Setyembre 9 sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Layunin ng nasabing pagpupulong na bigyang kaalaman ang mga namumuhunan sa mas pinasimpleng proseso at mga kailangang dokumento para sa pagkuha ng lisensya sa taong 2015.
Ayon sa BPLO, kailangan na lamang na magdala ng Barangay Clearance, Zoning Clearance, at SEC registration o DTI registration para sa linsensya sa bagong negosyo, samantalang Barangay Clearance lamang ang kailangan para sa renewal.
Nauna nang pinulong ng BPLO ang mga namumuhunan sa Brgy. Industrial Valley Complex, Brgy. Barangka, Brgy. Tañong at Brgy. Jesus dela Peña noong Agosto 19; susundan ito sa August 26 sa Brgy. Sta. Elena (MPM 3rd floor. Conference Room), Brgy. Sto. Niño (Bagong Barangay Hall sa Eustaquio St. Manotoc Subd.), Brgy. San Roque (Session Hall), at Brgy. Kalumpang (Gymnasium); sa August 28 sa Brgy. Malanday (Barangay Hall) at Brgy. Tumana (Barangay Hall); sa Setyembre 2 sa Brgy. Concepcion Uno (Barangay Hall), Brgy. Nangka (Barangay Hall), Brgy. Concepcion Dos (Basketball Court sa Hacienda Heights), at Brgy. Marikina Heights (Basketball Gym); at sa Setyembre 4 sa Brgy.Parang (Parang Pavillion), Brgy. Fortune (Willie Perez Hall) at MPM (MPM 3rd Flr. Conference Room).
Sa mga establisimyento naman, sa Setyembre 4 sa Marikina Public Market na dadaluhan ng mga miyembro Marikina Vendors’ Association ng nasabing pamilihan at sa Riverbanks Mall; sa Setyembre 5 sa SM Prime Holding, SM Marikina at Federal Brent; at sa Setyembre 9 sa C & B Mall Corporation, C & B Mall.
Maliban sa pagpupulong, ilang hakbang din ang ipinatutupad ng BPLO upang mapabilis pa ang proseso ng pagkuha ng lisensya sa paghahanapbuhay. Kabilang dito ang pinag-isang Business Permit at Billing Form kung saan makikita ang lisensya ng negosyo at ang halaga ng binayaran; at ang pagbuo katuwang ang Management Information System and Call Center sa Marikina Business Portal na maaaring gamitin upang bisitahin ng mga namumuhunan at makumpirma kung sumunod ba sa mga kailangang rekositos (requirements) tulad ng engineering, health, fire at environment clearances ang mga namumuhunan.
Samantala, bilang pagsunod naman sa ipinatutupad ng Department of the Interior and Local Government at Office of the Ombudsman na “One Assessment, One Payment”, ipinapaalam sa lahat ng namumuhunan na ang fire inspection fee at sanitary permit fee ay kasama na sa billing statement sa pagkuha ng lisensya.
Para kay Lilia Calacday, may-ari ng isang workout gym facilities sa Brgy. Tumana, iwas-abala ang mabilis na proseso ng pagkuha ng lisensya.
“Mas maayos at mas maganda dahil mas mabilis na ang kanilang serbisyo, mas madali pa para sa mga negosyanteng tulad ko ang pag-aasikaso ng aming lisensya na pwede ko pang mabisita online,” wika ni Calacday.
Para sa iba pang katanungan, maaaring makipag-ugnayan sa Business Permits and Licensing Office sa numero bilang (02) 646-2354.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment