SA loob ng isang linggo, hindi lang limang fetus ang natatagpuan sa mga lungsod sa Metro Manila, kabilang ang malalaki tulad ng Maynila, Makati at Quezon. Karamihan sa mga fetus na natatagpuang inabandona ay sa mga lugar na malalapit sa tirahan ng mahihirap na mamamayan na hindi na kayang buhayin pa ang panibagong bibig na pakakainin at palalakihin.
Kaya nga mas ginusto na huwag nang mamulat pa sa kahirapan. Lalong hindi kayang ipalibing dahil walang pera at higit sa lahat, hindi kayang harapin ang kahihiyan sa tao at sa Lumikha dahil sa pagpaslang sa batang ginawa sa sarap subalit hindi kayang harapin ang hirap.
May kinalaman kaya ang mga pangyayaring ito sa pagpasa ng Reproductive Health Law? Aba’y mula nang maging malaya ang mamamayan sa pagpili ng nais nilang paraan sa pagpigil sa pagdami ng miyembro ng pamilya at patuloy na paga-advertise ng pamahalaan sa mga contraceptive ay dumami lalo ang mga fetus na natagpuan sa kalye at mga pampublikong lugar.
Kilalang kilala ang Quiapo, lalo na ang malapit sa Simbahan, na lugar na bentahan ng gamot na pampalaglag kaya naman ang hepe ng Plaza Miranda na si Insp. Rommel Anicete ay halos walang patid ang ginagawang pagra-random check sa mga nagtitinda bukod pa sa ginagawang buy-bust.
Para sa kaalaman ng nakararami, lalo na ang mga taong simbahan, mas marami ang nagbebenta sa paligid ng Baclaran Church. Ang bilihan ngayon ay hindi na puwesto-puwesto. Gamit na ang makabagong teknolohiya tulad ng cellphones at internet.
Maraming nahuli na si Anicete at mga tauhan niya subalit marami sa mga nahuli ay nakawala rin dahil na rin sa proseso sa pagpapakulong ng mga nagkasala. Hindi naman biro-biro ang perang ginagastos upang makahuli ng nagbebenta ng mga pampalaglag. Kailangan ang buy-bust money at kailangan ang inpormante na maglalaglag sa suspek.
Hindi pa natatapos sa paghuli ang proseso dahil kailangan ding ipasuri ang gamot na nakuhang ebidensya sa nagbebenta ng pampalaglag. Dadalhin pa ang ebidensiya sa Food and Drugs Administration sa Taguig kung saan aabutin ng ilang araw ang resulta ng pagsusuri.
Sa paglabas ng resulta, tapos na ang proseso ng pagsasampa ng kaso sa suspek kaya posibleng nakalaya na ito. O kaya naman, nakapagpiyansa na ito dahil hindi naman kalakihan ang piyansa sa nahulihan ng pampalaglag.
Hindi kaya kasalanan pa rin ng gobyerno ang pagkalat ng fetus sa mga lungsod sa Metro Manila? At mas lalong kasalanan din ng gobyerno ang pagkalat ng gamot pampalaglag? Kasi naman, nagugutom ang marami kaya mas ninais na tanggalin na lang ang parating na dagdag na bibig na pakakainin. Wala namang trabahong naibibigay ang pamahalaan at lalong walang suportang nakukuha mula sa kasalukuyang administrasyon na nagsasabing umangat ang ekonomiya ng bansa.
Dapat, kasabay ng pagsasabi ng gobyerno na umaangat ang ekonomiya ng bansa, may ebidensya silang ipinakikita na nagiging maayos ang buhay ng mamamayan. PAKUROT/Lea Botones
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment