ANOMAN ang sabihin pa ni DOTC Secretary Emilio Abaya, Jr. tungkol sa pamamahala niya sa kanyang ahensya, wala na halos naniniwala. Nasa kamay niya ang operasyon ng lahat ng uri ng transportasyon at komunikasyon. May nagawa ba siya kahit katiting?
Kailan lang nagsabi siya na handa siyang magbitiw sa DOTC pero may kondisyon, kung papayagan daw ni Pangulong Benigno Aquino 3rd (BSA3)! Kapal!
Pag-upo sa DOTC ni Secretary Jun Abaya, nainterbyu ko siya agad sa aking programa sa radyo. Sabi niya, pag-iigihin niya ang kanyang trabaho at gagawing makabago, malinis, maaliwalas ang lahat ng sakop niya.
Pero mas interasado ako noon sa MRT. Araw-araw ako sumasakay. Kung gaano kadalas, nakikita ko ang hirap ng mga pasaherong matatanda, buntis, mahina at persons with disabilities (PWDs). Matarik ang bawat hagdan. Hirap silang pumanhik.
Kaya sinabi ko sa kanya ang mga sirang escalator at elevator ay dapat unahing makumpuni para sa nasabing sektor.
Mula sa North station hanggang Taft Avenue, halos sira lahat.
Sagot niya, madali lang daw ‘yun kaya ipagagawa kaagad.
Mula noon, pag-upo niya, hanggang ngayon, wala ni isa man ang nakukumpuni sa itinuro natin at mas dumami pa nga ang hindi gumagana! Ganyan din ang nangyayari sa LRT, sa NAIA na talaga namang malapugon na, ang bantot pa!
Sa telekomunikasyon, alam ni Abaya ang pandaraya ng TELCOS. Ang pandaraya sa paniningil at mga nawawalang load. Ang sobrang mahal na singil sa internet at mga kauring serbisyo pero walang imik si Abaya?
Nang mabisto ang pangingikil sa Czekoslovakian contractor ng MRT ng US$30-milyon, inabsuwelto niya agad ang mga sangkot sa pangunguna ni dating MRT GM Al Vitangcol at ate ni BSA3.
Pati na ang iligal na bigayan ng maintenance contract binaboy pa kaya hayan, parang ataol sa riles ang MRT!
Walang magawa ang mga pasahero ngayon. Sabi nga nila, “bahala na” kung magkaaberya muli.
Ang nakatatakot, baka hindi lang maulit ‘yung nangyari sa Taft Avenue Station. Baka maging malala at marami ang mamatay!
Kailan lang, nasira rin ang tren ng PNR. Hindi malutas ang mabigat na daloy ng trapiko.
Hindi maitama ang batas ng telekomunikasyon. Ang mga paliparan ay problemado. May kumikilos pa ba sa DOTC?
Bigyan mo ng dangal ang iyong pagkatao, Mr. Jun abaya. Magbitiw ka nang walang kondisyon.
Maging maginoo ka sa iyong sarili. Anoman ang katwiran mo ngayon – DOTC is run like HELL! BALETODO/Ed Verzola
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment