DAPAT na itanim nang malalim ng pamahalaan sa budhi ng mga lingkod bayan na sila’y dapat na kasama ng mga mamamayan hindi lang sa ginhawa kundi sa disgrasya.
Kaugnay ito, parekoy, sa reklamo ng mga mamamayan na wala silang nasilayan na taong pamahalaan na tumulong sa kanila nang umulan ng malakas at bumaha nang katakot-takot sa Metro Manila nitong nakaraang Martes.
Simula sa oras ng malakas na ulan sa hapon hanggang sa gabi ng baha at trapik, king-ina, walang nakita ang mga mamamayan na traffic enforcer, pulis, kagawad ng Metro Manila Development Authority o rescue group para alalayan ang milyong mamamayan na natrapik at nabaha.
At lalong walang mga hijo de putang politiko na nagpakita upang alamin sa mga mamamayan kung ano-ano ang maitutulong ng mga ito sa mga mamamayan.
Walang pakialam ang lahat ng ito na sa gitna ng trapik at baha, may mga itinatakbo sa mga ospital, may mga matatanda at bata na kailangan ang ayuda para makauwi at makapunta sa dapat nilang puntahan at may mga mahahalagang gawin na katumbas ng buhay at kamatayan.
Mabuti pa ang mga tambay at taong kalsada, bagama’t nag-aantay ng kahit baryang maihagis ng natutulungan nilang mga mamamayan, naroon sila na nakikipaglaban sa baha, lamig, sakit at iba para lang makatulong sa kapwa.
Hindi magandang larawan ito ng pamahalaan na paulit-ulit na lamang na nagaganap sa tuwing may trapik at baha, lalo na sa Kamaynilaan.
At lalong hindi magandang isipin ito kung nakikita naman ang mga ito na napakarami at kumpol-kumpol pa upang magkapera o mangotong sa mga mamamayan sa iba’t ibang paraan.
Lalong hindi magandang tingnan ang mga politiko na nagpapakitang sila’y mapagmahal lamang sa mga mamamayan sa mga oras na may kaugnayan sa mga halalan.
…At kung may mapepera sila sa mga pagkakataong kahit buhay, kamatayan ng mga mamamayan ang pinag-uusapan.
Sana naman, sa mga darating na katulad ng hindi magandang pangyayari, mayroon na tayong makitang katawan at kaluluwa ng pamahalaan para naman maramdaman ng mamamayan na tunay na may pamahalaan.
Kung walang pagbabago rito, king-ina, saan patutungo ang mahal nating bayan? BURDADO/Jun Briones
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment