Tuesday, August 26, 2014

GINTO BA ANG KUBETA NI ABAYA?

SUSMARYANG GALAPONG! Noon, US$300-milyong kotong para sa bagon ng MRT. Ngayon, ang banyo naman sa NAIA ang malaginto ang presyo?


Sa datos ng gastusin sa renobasyon ng mga banyo’t kubeta sa NAIA ay tumataginting na P269 libo kada isa? Anak ng tatlong tipaklong naman, oh. Maski ang mga monumento nina Tita Cory at Ninoy Aquino ay hihimatayin sa presyo!


Aba Ginoong Jun Abaya, baka mapuno ka ng grasya. Higit kang pinagpala sa laki ng inyong kita! Ahensya mong DOTC, dulot sa bayan ay puro problema. Malamang magsisabog ang inyong mga bulsa.


Naalala ko noong nagdaang taon, nagpasikat si Sec. Abaya na isusulong niya ang modernong transportasyon sa buong bansa gamit ang Private-Public Partnership ng kanyang buddy na si Benigno Aquino 3rd. Palalawakin ang mga airport, seaport at paglalagay ng second layer na highway pa sa EDSA.


Kaya nang maglabasan sa dyaryo ang kanyang unang PPP, “open bidding” sa lahat ng banyo at kubeta ng airports. Resulta, walang kumagat at walang nagkainteres na sumali.


Simple lang ang dahilan. Sino naman ang tanga na kontraktor, eh, magkakalayo ang airports natin para lang sa kubeta? Sa gastos biyahe pa lang, talo na sila para dalhin ang mga gamit at tauhan nila. Itlog ang resulta.


Kaya lang, siguro nagsisisi na ang mga kontraktor. Aba naman, kung alam lang nila na halos P300 libo ang isang kubeta, aba, sa rami ng kasilyas ng airports, kahit mababaho ay magiging halos bilyonaryo sila!


Tanong nga ng mga tricycle drivers sa isang TODA, Mam Lily, “ginto ba ang mga ipinagagawa na kubeta ni Jun Abaya?”


Heto pa ang isang hawak ng DOTC ni Abaya, ang PNR na katulad ng MRT, maya’t maya na rin ang sira. Overloaded daw ang tren nila kaya nasisira na pati ang rail box dahil nasasagad sa karga? Para nang sinabi, “Hoy, huwag nga kayong sumakay!”


Mismong ang mga banyo’t kubeta sa MRT ay halos sira na lahat. Kung may gagawa, magkano naman kaya ang isa? Malaginto rin kaya ang presyo tulad sa NAIA, G. Abaya?


Sabagay, laking big time ang mama. Sabi nga, “He was born in a silver platter” kaya ayaw niyang umihi o umebak sa ordinaryong kubeta. Tae mo, malaginto rin ba?


***

Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestyon at mga komento, mag-text lang po sa 09087230036 o 09156588600. LILY’S FILES/Lily Reyes


.. Continue: Remate.ph (source)



GINTO BA ANG KUBETA NI ABAYA?


No comments:

Post a Comment