Tuesday, August 26, 2014

DESPERADO NA BA SI ALAN CAYETANO?

KAHIT yata isangla ni Senador Alan Cayetano ang kanyang kaluluwa sa kalaban ng Maykapal ay gagawin nito basta’t matupad lamang ang ambisyon nitong maging pangulo ng bansa.


Ito ang malinaw na pakahulugan at mensahe ng mga pahayag na binibitiwan ng mga Binay na kilalang kalabang mortal ng mga Cayetano.


Noon ngang sumabog ang isyu ng sobra sa taga na presyo ng multicab na binili ni Alan Cayetano gamit ang kanyang PDAF ay kaagad nitong itinuro ang mga Binay na siyang may kagagawan ng demolition job laban sa kanya.


Malinaw rin na maging ang isyu ng ghost employees sa Taguig City government ay itinuturo rin ni Mang Alan sa pamilya Binay kaya tiyak na lalong lalala pa ang alitan ng dalawang angkan.


Kitang-kita kay Cayetano ang sobrang gigil sa kanyang ambisyong maging susunod na Pangulo ng estado kaya lahat yata ng isyu na pwede nitong sakyan ay sasalihan nito, kahit pa sino ang kanyang makalaban o masagasaan.


Mukhang bistado na rin sa mundo ng politika kung paano maglaro itong si Cayetano dahil noong 2013 senatorial election pa lamang ay itinuturo na itong may kagagawan ng demolition job kina Loren Legarda at Chiz Escudero para makuha niya ang pagiging numero uno sa botohan.


Maging ang paglobo ng assets ni Mang Alan ay ikinabigla ng lahat dahil wala naman daw itong negosyong malaki na pwedeng pagkakitaan.


Tiyak na lalo pang masisiwalat ang mga itinatagong lihim ni Alan Cayetano at iyan ang kaabang-abang sa gibaan nila ni Binay dahil ang taumbayan ang panalo rito sapagkat makikilatis nila ng husto ang mga taong gustong maging Pangulo.


o0o

Kasalu-saludo itong Quezon City Police District sa pamumuno ni Police Chief Supt. Richard Albano.


Sunod-sunod kasi ang kanilang matagumpay na operasyon laban sa ipinagbabawal na gamot.


Malinaw na naging masigasig ang QCPD sa kampanya kontra iligal na droga kaya naman nagbubunga ang kanilang pakikibaka rito.


Sa buong bansa, tanging sa Quezon City lamang nakasasakote ng mga malalaking isda at nakakukumpiska ng sandamakmak na shabu at iyan ang kahanga-hanga.


Sana si Albano na lamang ang ating chief PNP dahil bukod sa magaling itong makibaka laban sa droga ay posibleng maibangon din nito ang lugmok na imahe ng pambansang pulisya. ALINGAWNGAW/Alvin Feliciano


.. Continue: Remate.ph (source)



DESPERADO NA BA SI ALAN CAYETANO?


No comments:

Post a Comment