Tuesday, August 26, 2014

GASOLINA, DIESEL, LPG, GAAS PAUBOS NA

MAKARAAN ng 53 taon mula ngayon, balik paglalakad ang lahat ng tao, ayon sa kompanyang BP Oil.


Lalo na ang mga sumasakay sa sasakyan na gasolina, diesel, liquified petroleum at gaas ang pampaandar o pampatakbo.


Merong hindi binabanggit dito, mga Bro.


Mawawala rin ang mga eroplano bilang sasakyan dahil galing din sa langis ang pampaandar sa mga ito.


Ito’y dahil sa malapit na umanong pagkaubos ng langis na ginagawang gasolina, diesel, LPG at gaas.


Kung magpapatuloy umano ang lakas at bilis ng pagkalkal ng langis sa lupa sa ngayon, tuyot na ang mga balon ng langis sa 2067.


NAKASAMANG KATOTOHANAN


Kapag hindi na tatakbo ang mga sasakyan, ano-ano sa palagay ninyo ang mga magaganap?


Anak ng tipaklong, masasabi nating todo kamalasan.


Paano ang mga emergency na kalagayan ng mga tao gaya ng pagkakasakit at sunog?


Paano ang biyahe ng mga pagkain at iba’t ibang paninda, kasama ang mga serbisyo?


Huwag nating sabihin na may iba pang magpapatakbo ng mga sasakyan at eroplano.


Gaya ng solar power, hydrogen, baterya at iba pa para kargahin ang mga ito at makarating ang mga ito sa atin sa tamang oras.


Pero kailan maging kasinglawak ng langis ang paggamit sa mga ito?


Hanggang ngayon nga, puro eksperimento pa lang ang nagaganap sa mga panggatong na ito.


At nananatiling katotohanan, mga Bro, na langis ang pangunahin pa ring panggatong ng mga makina.


WALANG PANLUTO, PANLABA


Kung iisipin, mga Bro, hindi lang sa transportasyon magkakaroon ng problema.


Bawal na bawal ang paggamit ngayon ng mga kahoy bilang panluto.


At ‘yang LPG ang ginagamit na kahit pa sa maraming lugar sa mga malalayong barangay.


Sa ngayon, isa sa mga pinakamalinis ang LPG bilang panggatong at sinasabing walang polusyon ito na nakasisira sa kapaligiran.


Marami ring panlinis at panlaba ang galing sa langis.


At mayroon ding mga kino-convert na abono, pestisidyo at iba pang kapaki-pakinabang mula sa langis.


Paano nga kung wala o ubos na ang langis?


WALANG KURYENTE


Kung pag-aaralan ninyo, mga Bro, galing din sa langis ang nagpapaandar sa mga generator na gamit natin para sa pagkakaroon ng kuryente.


Napakalaki ang bahagi ng langis sa paglikha ng kuryente sa mahal kong Pinas.


Sa mga generator na pinaandar ng gasolina, diesel, LPG at gaas tayo tumatakbo kung nagkaroon ng mga brownout at blackout.


Paano na nga talaga ang buhay kung wala nang langis?


1.688-TRILYONG RESERBA


Nasa 1.688-trilyong bariles na lang umano ang natitirang laman ng mga balon ng langis at kasama na rito ang mga bagong nadiskubreng balon sa Amerika, Venezuela at Russia.


Ang mga bansang kasapi ng Organization of Petroleum Exporting Countries ang may pinakamalaki pa ring reserba ng langis at bumubuo ito ng nasa 72% ng kabuuang reserba.


Bukod sa mga nasabi na nating mga bansa na may sariling mga reserba, mayroon ding iba gaya ng mahal kong Pinas ngunit kakaunti lang.


Kung meron man tayong malalaking reserba, hindi pa natin gaanong nadidiskubre.


O kung nadiskubre na, gusto namang sakupin ng iba, gaya ng mga nasa Spratlys at Recto Bank.


HAMON SA PAMAHALAAN


Ang mga usaping ganito ang kabilang sa mga dapat na pagtuunan ng pansin ng ating pamahalaan.


Maigsi lang ang panahong ito kung tutuusin at huwag namang hayaan ng pamahalaan na mabulaga na lang tayong lahat sa krisis sa suplay ng langis.


Malaking hamon ito sa pamahalaan na dapat nag-iisip kung paano ito gagawa ng mga bagay-bagay na mapakikinabangan ng mga susunod na henerasyon, lalo na sa usaping enerhiya.


Tanong: ano-ano na ba ang mga iniisip ng pamahalaan na pamalit sa langis bilang panggatong sa mga makina na kailangan na kailangan natin sa pag-unlad ng lipunan?


O kaya’y ano-ano na ang ginagawa nito upang matiyak na magkakaroon tayo ng tuloy-tuloy na suplay ng langis kahit makaraan ang 2067?


Batay ito sa katotohanang may mga nadidiskubre namang balon ng langis sa sakop ng teritoryo ng Pilipinas.


Napatunayan na ring may balon tayo ng natural gas at malaki ang posibilidad na may kakambal sa ating mga teritoryo ang Malampaya natural gas na malapit na ring maubos dahil 20-taon lang ang buhay nito.


Nasa 10-taon na lang ang inaasahang buhay ng Malampaya natural gas na nagsimulang kalkalin sa karagatan noong 2004.


PAGTITIPID SA LANGIS


Ang inaasahang aksyon ng pamahalaan ay kung paano tayo tuloy-tuloy na magkaroon ng suplay ng langis makaraang matuyo ang mga balon ng langis sa OPEC, Amerika, Russia at iba pang bansa na mayroong malalaking balon.


Kaugnay nito, ano-ano ang gagawin ng pamahalaan sa mga balon ng langis natin?


Ano rin ang dapat nitong gawin sa natural gas para makatulong nang malaki sa pagtitipid sa paggamit ng langis?


Tuloy-tuloy bang ipasa-kamay ang mga ito sa mga dayuhan para madaling maubos ang mga ito?


Ano rin ang gagawin sa mga hydro electric plant, wind mill at solar panel na lumilikha rin ng kuryente para sa pagtitipid pa rin ng langis?


Ngayon pa lang ay dapat na talagang mag-isip ang pamahalaan ukol sa malaking problema sa langis.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda


.. Continue: Remate.ph (source)



GASOLINA, DIESEL, LPG, GAAS PAUBOS NA


No comments:

Post a Comment