Thursday, August 21, 2014

ANG KALOKOHAN SA RAJAH SULAIMAN

NOONG Lunes ay nagulat tayo nang biglang ipagbawal ang mga bisikleta sa Rajah Sulaiman Park na siyang madalas na ginagawang tagpuan ng mga kagaya ng inyong lingkod na nagbibisikleta tuwing gabi bilang ehersisyo.


Sa napakatagal na panahon ay naging tambayan na ng bikers ang naturang parke dahil nasa harap lamang nito ang Roxas Boulevard at malapit din dito ang Mall of Asia na madalas nilang ruta sa kanilang pagbibisikleta.


Kaya laking gulat ko noong lapitan ako ng security guard ng naturang parke na si Arnel Estosos upang pagsabihan tayo na bawal na diumano ang bisikleta sa lugar at ito ay utos umano na galing sa tagapangasiwa na si Isagani Santonil.


Nagulat ako sapagkat maliban sa malinaw na isang katarantaduhan ang ipagbawal ang isang bisikleta sa isang parke maliban na lang kung ito ay nakasisira sa mga palamuti sa lugar, tila yata paurong at hindi pasulong ang pag-iisip ng mga taong namamahala sa lungsod.


Alam kaya ito ni Mayor Erap at Vice-Mayor Isko Moreno o baka naman nagmamagaling lamang itong si Estonil at ang Officer-In-Charge ng Parks and Development Office na si Arsenic Lacson?


Sa halip kasi na lalong pasiglahin ang lokal na turismo sa ating mga parkeng gaya ng Rajah Sulaiman ay tila mas gusto pa yata nitong sina Estonil at nitong si Lacson na gawin tambayan ito ng mga pokpok at mga adik sa solvent.


Hindi ba nila alam na madalas maki-usyoso ang mga dahuyang turista sa mga nakaparadang mga kakaiba at cute na folding bikes at kapag minsan ay nagpapakuha pa sila ng larawan?


At akala ko ba ay kakampi natin ang Maynila, lalong-lalo na itong si Isko, pagdating sa ating ipinaglalaban upang mabawasan ang polusyon at trapiko sa Kamaynilaan? Hindi ba’t bisikleta ang isa mga sa solusyon diyan?


Kung sabagay, pakiramdam ko ay umeepal lamang itong mga amuyong sa City Hall at hindi tila natutuyuan na naman sila ng sentido kumon.


Hindi naman kasi mahirap intindihin na ang mga parke ay ginawa upang gawin pasyalan at tambayan ng ating mga kababayan, kasama na rito ang mga kagaya nating biker.


At bakit hindi pinakikialaman nitong mga nangangasiwa ng parke itong mga nagkalat na pokpok at mga yagit na pakalat-kalat doon?


Bakit nila pinapabayaan ang mga gusgusing tambay roon na ginagawa na rin nilang lutuan, pahingahan at tulugan ang naturang lugar? Bakit ang mga biker ang kanilang pinag-iinitan?


Sana naman ay pagsabihan nitong si Mayor Erap at Vice-Mayor Isko itong si Lacson at itong si Sentonil na sa halip na pag-initan ang mga tumatambay na biker sa Rajah Sulaiman at suportahan pa nila ang mga ito upang lalong mapalaganap ang kultura ng pagbibisikleta sa Lungsod ng Maynila.


***

Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/Gil Bugaoisan


.. Continue: Remate.ph (source)



ANG KALOKOHAN SA RAJAH SULAIMAN


No comments:

Post a Comment