Friday, May 2, 2014

POSITIBONG KAISIPAN NG FILIPINO

PASAPORTE-BY-JR-LANGIT KILALA ang mga Filipino sa pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay, sabi nga, nakikita natin ang bawat pagsubok na dumarating bilang pagkakataon upang patunayan ang ating mga kakayahan.


Hanggang saan nga ba kayang dalhin ng positibong kaisipan ang isang tao?


Sa bansang Hong Kong ay isang Filipino na bise presidente ng bangko ang aking nakilala at sa aming pagkukwentuhan ay natuklasan ko kung gaano kalaking papel ang ginampanan ng ‘positibong kaisipan’ sa tagumpay na kanyang tinatamasa.


Siya si Joel Almeda.


Nagsimula ang pakikipagsapalaran ni Joel sa larangan ng pagbabangko taong 1987 bilang isang simpleng empleyado, subalit hindi nagtagal ay isang pagkakataon ang dumating sa kanya upang marating niya ang kanyang kinalalagyan.


Enero 1994 nang makarating siya sa Barcelona, Spain ito ay noong ipadala siya roon ng Far East Bank, ang kompanyang kanyang pinagtatrabahuhan.


Hindi pa natatagalan ay nalipat siya ng destino sa Milan, Italy na sinundan ng destino niya sa Tokyo, Japan, kung saan siya nanatili ng mahigit isa’t kalahating taon bilang marketing officer.


Nang mag-merge ang bangkong pinagtatrabahuhan niya ay nalipat ng destino si Joel sa US, kung saan nakaranas siya ng mga pagsubok at kahirapan, gaya na lamang ng pakikiangkop sa kultura ng isang banyagang bansa at maging ang pakikisalamuha sa iba’t ibang tao na kanyang nakakasama.


“Mahirap ‘yung paiba-iba ng lugar pero ang challenge roon is magkaroon ka ng opportunity na ma-prove na kaya mong ma-handle ‘yung mga opisina na pinahahawak sayo. Mahirap but may challenge, ‘yung masarap du’n, ‘yung opportunity para eventually ma-notice ng management na kaya mo na pala na i-handle ‘yung mga negosyo noon pa,” pagbabahagi niya kung paano niya hinarap nang positibo ang mga pagsubok na dumating sa kanya.


Enero ng taong 1999 nang makarating si Joel sa Hong Kong at magtrabaho sa Banco de Oro na noon ay kilala pa bilang Equitable Bank.


Gaya ng mga naunang pakikipagsapalaran niya sa ibang bansa, muling nakaranas ng mga pagsubok si Joel, subalit gaya pa rin ng dati, muli ay tiningnan niya ang mga ito sa positibong paraan na nakatulong nang malaki sa kanya sapagkat napansin ang kanyang kakayahan at naging vice president ng BDO, makalipas din ang halos labing-isang taong pamamalagi niya sa nasabing bansa ay nabigyan siya ng pagkakataon na tumulong at magsilbing inspirasyon para sa ibang mga Filipino na naroroon.


Naging chairman din siya ng Philipine Association of Hong Kong na tumutulong sa iba’t ibang beneficiaries, gaya ng Gawad Kalinga.


Tunay na malaking bagay ang nagagawa ng ating isipan at pananaw sa buhay, gaya na lamang ni Joel na piniling tingnan ang mga pagsubok sa positibong paraan kung kaya’t mula sa pagiging isang simpleng empleyado ay naging bise-presidente ng isang kompanya.


oOo

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa PTV-4 tuwing Linggo, 10:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fanpage: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.


The post POSITIBONG KAISIPAN NG FILIPINO appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



POSITIBONG KAISIPAN NG FILIPINO


No comments:

Post a Comment