BAGO umupo bilang Pangulo si PNoy, nasa 7 porsyento ang unemployment rate sa ating bansa.
Sa sobrang galing nito bilang lider at tagapagtaguyod ng magandang kinabukasan ng ating mga mamamayan, tumaas ng 7.5 porsyento ang dami ng ating mga kababayang walang hanapbuhay.
Ang galing ng ating Pangulo, ‘di po ba?
Mukhang nagkakaroon ng katuparan ang kanyang pangakong “kapag walang korap walang mahirap” kaya napakaganda ngayon ang kalagayan ng mga manggagawang Pinoy.
Sa sobrang ganda ng kalagayan ng ating mga manggagawa, marami sa kanila ang halos wala nang pambili ng makakain dahil ang kanilang kakarampot na kita ay napupunta sa napakamahal na presyo ng langis, kuryente at iba pang mga pangunahing bilihin.
Ang sardinas at instant noodles na madalas gamitin ng ating mga kababayan na pantawid sa gutom ay halos araw-araw na rin ang pagtaas ng presyo, salamat sa galing at talino ni Pangulong Noynoy.
Ang mas nakatutuwa ay tila hindi napapansin ni PNoy ang mga tunay na nagaganap sa ating bansa.
Patuloy pa rin siyang nabubuhay sa kanyang ilusyon na ‘Tuwid ang Daan’ ng kanyang pamahalaan ngunit sa tunay na buhay ay pugad pa rin ng mga kurakot at mga walanghiya.
At dahil matindi ang paniniwala ni PNoy na “kapag walang korap ay walang mahirap,” pilit nitong pinagtatakpan ang kabuktutan ng kanyang mga alipores sa Malakanyang.
Hindi ba’t ang dami rin sa kanyang mga alipores ang nasabit sa pork barrel racket ni Janet Napoles pero ni isa sa mga ito ay hindi man lamang nasampahan ng kaso?
Ang galing ‘di ba?
Ang mas lalong nakabibilib dito kay PNoy ay ang wagas na pagiging manhid nito sa kalagayan ng ating media.
Sa loob lamang ng apat na taon ay nasa 24 nang mamamahayag ang napapaslang ngunit ni isa sa mga ito hindi pa nagagawaran ng hustisya.
At sa halip na isulong ang karapatan ng ating mga mamamahayag na ipagtanggol ang kanilang sarili ay tinanggal pa ito sa pamamagitan ng kanyang Comprehensive Firearms and Ammunitions Law.
Oh ‘di ba? Ang galing-galing ni Pnoy?
Idol na idol ito pagdating sa kapalpakan at nakabibilib talaga ito sa pagiging inutil na lider.
Kayo? Bilib din ba kayo sa kanya?
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post NAKABIBILIB SI PNOY appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment