Thursday, May 1, 2014

BALIK-SAYA NG AMERIKA

pakurot511 MALAKI ang posibilidad na si Pangulong Benigno Aquino III ay biktima ng bullying noong nag-aaral pa siya sa Amerika. Bakit? Puro pambu-bully, gamit ang makapangyarihang Estados Unidos, ang gusto niyang mangyari sa mga bansang dapat ay kakampi dahil kapwa Asyano sila.


Parang nais niyang makaganti sa mga nangmaltrato sa kanya noong kabataan niya gamit ang kanyang kasalukuyang estado. Dapat ay ayusin ang pakikisama sa mga kalapit na bansa na nagbibigay ng kabuhayan sa ating mga kababayan at hindi dapat nakikipag-away upang sa ganoon ay patuloy na maging maayos ang antas ng ating ekonomiya.


Nakawala na tayo sa saya (ilalim) ng Amerika noong 1991 nang palayasin ang US bases sa bansa subalit dahil sa mga mapanlalang na kasunduan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas ay nakapapasok ang hindi mabilang na Amerikanong sundalo.


Hindi ba’t kaya nangyari ang pagkawasak ng Tubbataha reef ay dahil sa military exercise? Hindi ba’t nandiyan din ang ilang Pinay na nabiktima ng pagiging hayok sa laman ng ilang serviceman?

Ilang Amboy ang hindi na nakilala ang kanilang ama matapos iwan ang kanilang ina?


Hindi pa ba natatauhan ang pamahalaan na hindi naman nagbayad ang Amerika sa pinsalang kanilang dulot sa likas na yaman ng bansa?


Sa pinasok na kasunduan ni Pangulong Aquino at Barack Obama, sino ang mas makikinabang? Ang mga Filipino ba? Parang nais lang ni Pangulong Aquino na gamiting panakot ang US laban sa mga kumakalabang bansa sa Asya sa Pilipinas. Hindi inisip ni PNoy at mga sulsultant nito ang advantages at disadvantages ng pagpasok niya sa usapin basta ang nasa isip niya ay kayang-kaya na niyang takutin ang China gamit ang US.


Masindak naman kaya ang China? Wala ba itong makukuhang kaalyadong “super power?” Naman! Isip talangka pa rin ba ang mga Pinoy? Magising na sana sa panaginip si PNOY na kayang-kaya niyang lokohin ang mga mamamayang naunang nagpaloko sa kanya noong tumakbo siyang President gayung wala naman siyang nagawa para maiayos ang takbo ng bansa lalo na ang ekonomiya.


Ang dapat gawin ni Pangulong Aquino ay singilin ang US sa nawasak na Tubbataha reef at ipaayos ito upang sa gayon ay maniwala ang mga Pinoy na maganda ang kanyang layunin sa pagpasok sa kasunduan nang dumalaw si Obama sa bansa. Pero tiyak, wala pa ring maniniwala sa kanyang layunin maliban sa kanyang mga alipores.


The post BALIK-SAYA NG AMERIKA appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



BALIK-SAYA NG AMERIKA


No comments:

Post a Comment