NAGBABALA ang PAGASA sa mga mangingisda at iba pang maliliit na sasakyan pandagat na iwasan munang maglayag sa karagatan na nakapaligid sa Luzon.
Ito ay dahil sa epekto ng bagyong si Ompong na unti-unti nang papalayo ng Pilipinas.
Ayon sa PAGASA, malayo man ang kinaroroonan ng bagyo ay pinaiigting nito ang hangin mula sa Hilagang Silangan na nagdudulot ng malalaking alon o masungit na lagay ng karagatan sa Western seaboards ng Northern Luzon maging sa Eastern seaboards ng Luzon at Visayas.
Kaninang madaling-araw ay natukoy ang sentro ng bagyo sa layong 940 kilometro sa silangan-timog silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay nito ang napakalakas ng hangin na aabot sa 215 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong hangin na aabot sa 250 kilometro bawat oras.
Umuusad ang bagyo sa direksyon na hilaga hilagang kanluran sa bilis na siyam na kilometro bawat oras.
Kung hindi magbabago ang kilos ng bagyo ay makakalalabas na ito sa Philippine area of responsibility sa araw ng Sabado at tinutumbok ang katimugan ng Japan.
Nilinaw ng PAGASA na walang direktang epekto ang bagyong Ompong na itinuturing na pinakamalakas na bagyo na pumasok sa Pilipinas ngayong taon.
Gayunman, makararanas pa rin ng mga pag-ulan ang Luzon at Visayas dahil sa thunderstorms habang intertropical convergence zone naman ang nagpapaulan sa Mindanao. Johnny Arasga
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment