Sunday, October 5, 2014

LALO LANG NABAON SI PURISIMA

SA halip na makalusot ay lalong nabaon itong si PNP Chief Alan Purisima matapos mabunyag ang kanyang kahina-hinalang yaman. Ang matindi nito ay hindi na kailangan ng ibang testigo upang idiin ito dahil nanggaling na mismo sa kanyang bibig ang ebidensyang kinakailangan para makasuhan ito ng kasong katiwalian.


Matapos mabunyag sa publiko ang kanyang resthouse sa San Leonardo, Nueva Ecija, agad na nagkumahog itong kampo ni Purisima upang mailagay ito sa kanyang Statement of Assets and Liabilities at ito umano ay nagkakahalaga lang ng P3.5-milyon.


Sinundan ito ng presscon ni Purisima at dito ay ipinakita ang mga larawan ng mga gusali sa kanyang resthouse upang pasinungalingan na ito ay hindi isang mansyon, gaya ng nais ipabatid ng ulat ni Ted Failon ng ABS-CBN.


Well, tama naman talaga si Purisima rito malinaw pa rin dito na under-declared ang kanyang ari-arian na ito batay na rin sa nakasaad sa kanyang SALN. Walang sinomang tao na nasa tamang katinuan ang maniniwala na P3.5-milyon lang ang halaga ng kanyang ari-arian na ito dahil sa totoo lang, ang halagang ito ay katumbas lamang ng isang maliit na townhouse.


Kahit sabihin pa nating mura lang ang bili ng kanyang lupa at attic lamang ang pangalawang palapag ng kanyang resthouse na aniya’y may floor area na mahigit 200 square meters ay malabong nagkakahalaga lamang ito ng P3.5-milyon.


Wala ring maniniwala na nagkahalaga lang ng P17,000 ang kanyang ipinatayong gazebo.


Aba’y muebles pa lang ay tiyak na mahigit P17,000 na ang presyo nito.


Sa mismong pagdinig naman ng Senado ay ipinagmalaki ni Purisima na nagmula sa donasyon ang ginamit sa pagpapaayos ng White House na siyang tinitirhan ng nakaupong PNP chief. Nagkakahalaga umano ng P12-milyon ang nagastos upang mapaayos ang naturang gusali at ito ay tinustusan ng kanyang mga kaibigan na Mason.


Doon din sa pagdinig sa Senado ay ipinangalandakan ni Purisima na bagama’t mayroon siyang luxury car na isang 2013 Toyota Land Cruiser, nabili lamang umano niya ito ng P1.5-milyon sa halip na P3-milyon dahil binigyan umano siya ng diskuwento ng car dealer na nagbenta nito.


Maliban sa napakaimposible ito dahil wala naman sigurong car dealer na magbebenta ng mas mababa pa sa puhunan, bawal ding manghingi ng pabor gaya ng paghingi ng hindi makatwirang diskwento ang opisyal ng pamahalaan ng gaya ng PNP Chief.


Hindi rin makatwiran ang kanyang pag-amin na nakikigamit lang siya ng isang mamahaling bullet proof na SUV dahil ito rin ay isang uri ng pabor na maaaring gamitin upang makahingi ng katumbas din na pabor.


Sa susunod nating kolum ay hihimayin natin ang ating mga batayang ligal kung bakit mas lalong tumibay ang ebidensya ng katiwalian laban kay Purisima.


***

Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN


.. Continue: Remate.ph (source)



LALO LANG NABAON SI PURISIMA


No comments:

Post a Comment