HINDI na halos makilala dahil sa sobrang pagkatusta ang limang Pinoy nang magliyab ang kanilang sinasakyang kotse nang salpukin sila ng isang rumaragasang sasakyan malapit sa Hamad International Airport (HIA) sa Qatar kamakalawa.
Napag-alaman sa Department of Foreign Affairs (DFA) na sa pagitan ng alas-12:30 hanggang ala-1 noong Lunes, Oktubre 6, sa Qatar nang maganap ang naturang aksidente.
Pansamantala namang hindi muna isinapubliko ng DFA ang mga pangalan ng mga nasawing biktima hangga’t hindi pa naipapaalam sa kani-kanilang pamilya ang nangyari sa kanilang mga kaanak.
Ayon sa DFA, tatlo sa limang mga nasawi ay magkakamag-anak habang isang Pinay nurse ang nasugatan ngunit nasa mabuti na itong kalagayan.
Wala pa rin kumpirmasyon ang Qatar Traffic Department kaugnay sa isang batang Pinoy na kabilang sa mga nasawi.
Matapos maganap ang naturang aksidente ay nagtungo ang kinatawan ng embahada ng Pilipinas sa morge ng Hamad hospital ngunit hindi na ito halos makilala ang mga labi na narekober sa insidente kung saan hindi rin umano matukoy ang kasarian ng mga biktima dahil sa matinding pagkakasunog ng mga ito.
Napag-alamang kinakailangan pa umanong isailalim sa forensic examination ang nasunog na labi ng mga biktima upang makilala ang mga ito.
Batay sa impormasyong nakalap ng DFA, nangyari ang insidente sa Corniche-Wakrah highway kamakalawa (Lunes) araw sa Pilipinas, habang tinatahak ng kotseng sinasakyan ng mga biktima ang kahabaan ng kalsada nang bigla umano silang salpukin ng isa pang sasakyan na minamaneho ng hindi pa nakilalang suspek.
Kasalukuyang kinukumpleto pa ng DFA ang mga impormasyong kinakailangan upang matulungan ang pamilya ng mga nasawi sa insidente. JAY REYES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment