HINDI natin maintindihan, mga Bro, kung bakit aabot sa krisis sa 2015 ang kalagayan natin sa kuryente.
Saganang-sagana ang salapi ng pamahalaan sa enerhiya para sa pagpapaunlad ng industriya ng enerhiya o kuryente sa nakalipas na apat na taon pero nakapagtatakang walang ginawa ang pamahalaan upang magiging sobra-sobra sana ang suplay ng kuryente.
Ngayon nga ay sinasa-bing kakapusin tayo at walang makatitiyak kung tuloy-tuloy na ang krisis na ‘yan o hindi magmula sa 2015.
P4B-P10B KONTRA SA KRISIS
Pumapayag na ang Kongreso na mabigyan si PNoy ng emergency power o katumbas na kapangyarihan na magdesisyon para makontra ang sinasabing krisis.
Inihahanda na ng mga kongresman at senador ang P4-bilyon hanggang P6-bilyon na pondong bayan para magamit umano ni PNoy at malamang na ipambibili ng mga generator ang nasabing salapi.
Sabi nila, sa generator kasi, madali itong mabili at maipuwesto at mabilis din itong mapaandar upang lumikha ng kuryente.
Kaya pinakamaganda itong remedyo sa krisis.
Isang tanong: wala kayang magiging kakambal ng proyektong ito na kabalbalan gaya ng dambuhalang komisyon ng mga korap sa pagbili ng mga generator?
KULANG SA 300-400 MEGAWATTS
Kulang umano sa nasa 300-400 megawatts ang suplay ng kuryente sa susunod na taon.
At ito nga ang sasagutin ng mga generator.
Pero alam ba ninyo na katumbas ito ng nasa tatlong dam na pupwedeng lumikha ng ganito kalaking bolyum ng kuryente?
Halimbawa ang tatlong dam na Angat, Ambuklao at Binga.
Kung pagsama-samahin ang mga kuryenteng malilikha ng mga ito, aabot lahat sa 443 megawatts. Sobra-sobra sa pangangailangan natin laban sa krisis.
Pero nakapagtatakang hindi naisipan ng pamahalaang ito na magtayo ng katulad na mga planta sa nakalipas na apat na taon.
Ito’y para maagapan sana ang krisis na katulad ng kakapusan sa 2015.
At higit na nakapagtataka na tila ngayon lang nila nakita na may kakapusan ng kuryente sa mahal kong Pinas.
Anak ng pitong putakte, naiisip tuloy natin na puro mga walang alam sa kinabukasan ng bansa ang mga namumuno ngayon.
P45B PARA SA 3 DAM
Sa presyong bilihan ngayon, mga Bro, umaabot sa P45-bilyon ang tatlong dam.
Kumpleto na ang mga dam na ito.
‘Yun bang === may pang-irigasyon na, may pangkuryente pa.
Bakit natin binabanggit ito, mga Bro?
Aba, ang lalaki ng mga proyekto ng gobyerno sa imprasktraktura at tinatayang aabot ang lahat sa P500-bilyon ang ia-award sa darating na huling dalawang taon ng administrasyong Aquino.
Pero hindi man lang naisip ng mga hinayupak na ito na isingit ang mga planta ng kuryente.
Ito’y sa kabila nang dapat sana ay pagtaya na lalaki at lalaki ang pangangailangan natin sa kuryente dahil sa paglobo ng ating populasyon, negosyo at serbisyo publiko.
P180B MALAMPAYA FUND, ATBP.
Ayon sa Department of Budget and Management, may kabuuang P180-bilyong pondo ang Malampaya fund at iba pang proyektong pang-enerhiya.
‘Yung Malampaya fund lalo na ay ang royalty o karapatan ng pamahalaan na salapi mula sa anomang likas na madidiskubre at mapakikinabangan ng kahit sino.
Nitong nakaraang taon, umabot sa P130B ang Malampaya fund at sa katapusan ng 2014, aabot nga ang halaga sa P180B.
Nakapagtataka rin na hindi naisipan ng pamahalaan na gamitin ang sobrang pondong ito sa pagtatayo ng mga plantang pagmumulan ng murang kuryente kagaya ng mga dam na hydro power plant na rin.
Mura dahil galing lang sa pwersa ng tubig ang kuryente at hindi katulad ng galing sa generator na lalamon ng langis na lalong magpapamahal sa napakamahal na nating kuryente.
O baka naman pinagbubulsa na rin ito maging sa ilalim ng Tuwid na Daan?
EPIRA ANG NAGBABAWAL
Paliwanag ng mga nasa gobyerno, mag-isip man daw sila ng proyekto, pinagbabawalan umano sila ng batas na gumawa nito.
Ang batas na tinutukoy, mga Bro, ay ang Electric Power Industry Reform Act.
Gaya ng nakikita umano natin, iniuutos ng batas na ito ang pagbebenta ng pamahalaan halos lahat ng planta at kawad ng kuryente sa pribadong kumpanya.
At hindi dapat umano makipaglaban sa kumpetisyon sa presyo at suplay ng kuryente dahil madedehado naman umano ang mga pribadong kumpanya.
KAINUTILAN AT KATRAYDURAN
Hindi kaya kainutilan at katrayduran ang nagaganap?
‘Yun bang === gumawa ang mga mambabatas ng batas na ipasakamay ang industriya sa mga pribadong sektor pero hindi naman pala ginagampanan ng mga ito ang dapat nilang tungkulin.
Tungkulin nila ang lumikha nang lumikha ng kuryente bilang kanilang pribilehiyo at hindi hahayaang magkaroon ng krisis sa suplay.
Pero baliktad ang nagaganap, mga Bro.
May krisis na sa suplay ng kuryente, sobrang mahal pa ang halaga o presyo nito.
‘Di ba sinasabi ng EPIRA na hindi lang magkakaroon ng magandang suplay ng kuryente kundi magmumura rin.
Anak ng pitong putakte, baliktad ang nagaganap.
Naging inutil ang batas at magkakambal na krisis sa suplay at sobrang mahal na kuryente ang ipinararating nito sa atin.
At ipinagpapatuloy ang katrayduran at kainutilang ito kahit ng Tuwid na Daan.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment