Sunday, October 26, 2014

KAMUSTA NA ANG MGA YOLANDA SURVIVOR?

NOONG hagupitin ng bagyong Yolanda ang Kabisayaan, nasaksihan ng buong mundo kung anong klaseng gobyerno mayroon tayo at kung anong uri ng Pangulo mayroon ang Pilipinas.


Tayo mismong mga Filipino ang nakasaksi sa mga pagkukulang at incompetency, mahinang pamumuno at kapasidad, zero performance na para bang bansang walang gobyerno at walang lider.


Isang taon na ang nakalilipas ngunit hanggang sa ngayon’y wala pa ring maramdaman o nakikitang pagbabago sa buhay ng mga survivor ng bagyong Yolanda.


Kung inyong matatandaan, isang araw bago maghasik ng lagim si Yolanda, ipinagmalaki nitong si BSA3 na nakahanda na ang gobyerno sa kung anomang sakuna ang mangyari.


Na kesyo nakahanda na raw ‘yung mga C130, naka-standby na ‘yung 32 eroplano at helicopter, nakaposisyon na ang 20 barko ng Philippine Navy at ang relief goods ay nakahanda na rin sa mga lugar na posibleng tamaan ng bagyo. Asahan na raw na paghupa ng bagyo ay makararating agad ang mga ito.


Pero anong nangyari sa mga sinabi ng Pangulo bago manalasa si Yolanda? Isang taon na ngayong darating na Nobyembre 8 ang nakalipas pero bakit tila yata wala pa ring pagbabago ang ating gobyerno, puro pangako pa rin at kasinungalingan?


Isang taon pagkatapos ng malagim na trahedya, wala pa ring maaninag na liwanag ang mga survivor na ayon sa ilan nating nakausap ay lalo pa silang nalugmok dahil hanggang ngayo’y wala pa ring nakikitang pag-asa.


Tanong tuloy ng mga taga-Tacloban: “Kasalanan ba namin kung Romualdez ang naging mayor namin noong bayuhin kami ng bagyong Yolanda? Filipino rin kami at nagbabayad ng tamang buwis, bakit kailangang tikisin kami ng gobyerno”


Bilyon-bilyon ang dumating na tulong-pinansyal mula sa iba’t ibang bansa pero nasaan na ang mga perang iyon? Isang taon na ang nakalilipas pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin daw ito napakinabangan ng mga survivor?


Hindi ba nahihiya ang gobyerno ng Pilipinas sa mga bansang nagbigay ng tulong sa mga biktima ng bagyo? Sabagay nga naman, wala na nga pala sa bokabularyo ng gobyerno ang salitang ‘hiya’ dahil makakapal na sila.


Noong nakalipas na Pasko, isang buwan pagkatapos manalasa si Yolanda, madilim ang Pasko ng mga survivor at ilang araw na lang ay Pasko na naman. Ngunit marami pa ring lugar ang madilim at walang kuryente. Ang ibig bang sabihin nito, Pangulong Aquino, ay isang madilim na Pasko na naman ang kanilang mararanasan? (ITUTULOY) LILY’S FILES/LILY REYES


.. Continue: Remate.ph (source)



KAMUSTA NA ANG MGA YOLANDA SURVIVOR?


No comments:

Post a Comment