Sunday, October 26, 2014

KAKAMPI BA NI BINAY SI ERAP?

MUKHANG matindi ang payo ni Manila Mayor Erap Estrada kay Vice-President Jojo Binay.


Mantakin n’yo, payuhan ba naman ni Erap si Binay na huwag humarap sa imbestigasyon ng Senado dahil magigisa lamang daw lalo ang Pangalawang Pangulo.


Sa ating pagtatasa, malinaw na kaya bumaba ang rating ni Binay sa tao dahil ayaw nitong ipagtanggol ang kanyang sarili sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee ng Senado at iyan ang ipinakita sa ginawang survey ng SWS na kung saan 8/10 Pinoy ang gustong harapin ni Binay ang mga nag-aakusa sa kanyang senador na kinabibilangan nina Antonio Trillanes, Alan Cayetano at Koko Pimentel.


Malinaw ang gusto ng taumbayan at iyan ang dapat sundin ni Binay.


Nararapat niyang harapin ang kanyang mga dating bataan sa Makati na ngayon’y mistulang wala siyang naitulong na mabuti sa mga ito kagaya nina dating vice mayor Nestor Mercado at Atty. Renato Bondal.


Nagdududa rin ang madla kay Erap dahil kung aanalisahin ang kanyang payo kay Binay na huwag humarap sa Senado ay mas makasisira ito sa karerang politikal ng Pangalawang Pangulo dahil malinaw na ang sinasabi ng taumbayan.


Labis tuloy ang malisya sa isip ng publiko sa ginagawang pagpapayo ni Erap dahil hindi mamatay-matay ang sunog tungkol sa pagtakbo nito sa 2016 bilang pangulong muli ng bansa.


Alam ni Erap ang timing at ito ang kanyang ginagawa sa kasalukuyan dahil ang pagkasira lalo ni Binay sa tao ay siyang simula naman ng kanyang tyansang muling makabalik sa Malakanyang.


Kagatan na ang usapan sa ngayon at diyan dapat maging mapanuri itong si Binay dahil ang maliit niyang pagkakamali sa kasalukuyan ay posibleng magbaon lalo sa kanya sa kumunoy ng pinakaaasam niyang pangarap.


Tiyak na darami pa ang mapagpanggap kaya’t dapat maging mapanuri ang Pangalawang Pangulo dahil posibleng ang mga kasama niya araw-araw ay sumakabilang-bakod na para sa pera. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO


.. Continue: Remate.ph (source)



KAKAMPI BA NI BINAY SI ERAP?


No comments:

Post a Comment