LIBO-LIBONG bata na pawang mga ulila sa isa o buong magulang dahil sa ebola virus disease ang inaayawang alagaan ng kanilang mga kamag-anak ngayon.
Sa bansang Liberia lamang na bagsak na ang pamahalaan dahil sa sakit, mahigit sa 3,000 bata ang basta naiiwan na lang sa gutom, sakit at kawalan ng mag-aalaga.
Libo-libo ring bata mula sa 60,000 pamilya sa bansang Guinea ang nagsimula nang abandonahin ng kanilang mga kamag-anak sa takot na sila’y mahawa sa sakit.
Ganito rin ang nagaganap sa bansang Sierra Leone.
Ang tatlong bansang ito ang sinasalakay ng nakamamatay na sakit at malapit na 4,000 ang namamatay habang tinatayang nasa 10,000 naman ang kabuuang biktima simula nang manalasa ito sa nakalipas na ilang buwan.
WALANG KAMA-KAMAG-ANAK
Simple lang ang ibig-sabihin ng nagaganap sa tatlong bansa, mga Bro.: Walang kama-kamag-anak sa sakit.
Taliwas na ang nagaganap sa magandang ugali ng mga taga-roon na kung nauulila ang mga bata, agad kinakanlong at inaaruga ang mga ito.
“Bahala ka sa buhay mo, mamatay ka na, huwag lang kami” ang namamayani.
Higit na umiiral ang takot sa kamatayan kaysa pagpapakita ng pagmamalasakit at pagmamahal sa kapwa.
UMUUWI, PAUUWIIN
Ngayon ay may 148 pulis at sundalong nakatalaga sa Liberia bilang peacekeepers ng United Nations.
Mayroon ding 632 overseas Filipino worker sa Liberia, 1,979 sa Sierra Leone at 880 sa Guinea… at may 7,000 sa Nigeria na sinasalakay na rin ng ebola.
Tanong: mayroon na bang umuuwi sa mga ito sa Pinas?
Ang tiyak, malapit nang pwersahang pauwiin ng gobyerno ang mga peacekeeper.
NASAAN ANG PAGHAHANDA?
Kung may mga umuuwi na mula sa mga nabanggit na bansa, ano-ano na ang mga ginagawa ng pamahalaan para mabantayan sila at mapigilan sila bilang tagadala ng sakit?
Paano mabantayan nang todo ang ating mga paliparan at pier na posibleng pasukan ng sakit na ito?
O ano ang gagawin sakaling may tinamaan na nga?
Nagtatanong tayo dahil napakahigpit na nga ang Amerika, eh, napasukan pa sila ng may sakit na ginagamot na nila ngayon makaraan itong magsuka sa bahay na pinuntahan niya at patakbo itong pumunta sa isang ospital para magamot… kung saka-sakali… at maligtas sa kamatayan.
HINDI BIRO-BIRO
Kapag sunod-sunod o sabay-sabay na magsiuwian ang libo-libong peacekeeper at mga OFW mula sa nasabing apat na bansa at mayroong may ebola sa kanila, mahirap imadyinin kung paano harapin ang problema, mga Bro.
Totoo na may mga tila epektibong gamot bagama’t ineeksperimento pa lang mula sa Amerika at Japan, pero mayroon na ba tayong ugnayan sa mga may gawa nito para sa suplay ng gamot?
Mayroon na ba tayong mga ospital na pupwedeng doon ipunin ang mga maysakit at gamutin? Mayroon na rin bang mga doktor, nars at iba pang katulad nila na handang magsakripisyo laban sa sakit?
Tatandaan: parami nang parami ang mga doktor, nars at iba pang health worker sa nasabing mga bansa na namamatay at mismong ang katumbas sa posisyon ni Health Assistant Secretary Eric Tayag ng Liberia ay namatay na rin sa ebola kamakailan lang.
Paano rin ang mga mauulila, mababalo at iba pa kung saka-sakaling mapasok na tayo ng ebola?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment