ITONG mga nag-aaway-away na politiko kaugnay ng halalang 2016 ay dapat nang tumigil sa kanilang mga pinaggagagawa sa politika at tumingin sa ibang mga problema ng bansa na nagiging panganib na sa marami.
Halimbawa ang sakit na ebola na anomang araw ay makapasok sa mahal kong Pinas, dapat na magbuhos ang mga anak ng putakteng politiko ng oras para rito.
Dapat alalahanin ng mga politikong ito na kung saan-saan na lumulundag na bansa ang ebola, gaya ng pagpasok ng sakit sa Dallas, Texas at New York City sa Estados Unidos at Mali na malalayo sa mga bansa sa West Africa na sinasagasaan ng sakit.
90,000 MAMAMATAY
Sa tantiya ng Yale School of Public Health sa Amerika na iniulat ng The Lancet Infectious Diseases journal, lalagpas sa 90,000 ang mamamatay sa ebola pagdating ng Disyembre ngayong taon.
Lumagpas na kasi umano ang panahon na sana’y makontrol ang paglawak nito at kitang-kita ang mahigit limang beses na pagdami ng mga nagkakasakit at namamatay.
Nasa 5,000 na ang patay mula sa nasa 10,000 na maysakit sa nakaraang pitong buwan at sinasabing nagsisimula pa lang ang kinatatakutang paglaganap ng sakit sa buong mundo, lalo’t wala pa talagang tiyak na gamot laban dito.
Ito’y sa kabila ng ulat ng World Health Organization na maaaring magkaroon na ng mga bakuna laban sa sakit sa kalagitnaan ng 2015.
IBANG REMEDYO
Dapat umanong magmadali ang lahat na humanap ng mga paraan para labanan ang pagkalat ng sakit kahit saan sa mundo.
Hindi umano tayo dapat na magpatali sa “bisa” ng gamot na eksperimento sa kasalukuyan sa mga taong nagkakasakit, lalo’t hindi madali ang paggawa ng mga ito para lang ikalat din sa buong mundo, bukod pa sa kwestiyunable ang bisa ng mga ito.
MGA PINTUAN ISARA
Dahil na rin sa pagbiyahe ng mga tao mula at patungo sa mga bansang sinasalakay ng sakit, dumarami na ang mga bansa at mamamayan na gustong patigilin na ang pagbiyahe ng mga eroplano at barko.
Nagsara na rin ang nasa 17 bansa sa Africa ng mga border sa mga bansang Liberia, Sierra Leone at Guinea upang hindi sila mapasok ng sakit?
Sinasabi naman ng Yale School of Public Health na magpundar at magpakalat na ang mga kinauukulan ng mga gamit bilang proteksyon laban sa sakit, kabilang na ang todo-saradong damit, gaya ng mga ginagamit ng mga doktor sa kanilang panggagamot.
PASKO AT TURISMO
Syempre pa, may takot na nadarama ang nasa 4,000 overseas Filipino worker na nasa nabanggit nang tatlong bansa, pwera pa ang nasa 7,000 OFW sa Nigeria.
Sa Liberia na may nasa 2,000 OFW, halos wala nang pumupunta at magpagamot sa mga ospital dahil ayaw sundin ng mga Liberian ang kautusan ng gobyerno na pagsusunugin ang lahat ng mga namamatay sa ebola kaya lalong darami ang mamamatay sa mga ito.
Paano ang pag-uwi ng mga OFW mula sa bansang ito at mula rin sa Sierra Leone na nagbabalak ding pagsusunugin ang mga bangkay na ayaw rin ng mga mamamayan at tiyak na magiging sanhi rin ng mabilis na pagkalat ng sakit at kamatayan?
Ngayon nga ay mabilis na lumalapit ang Pasko na dahilan ng pagdagsa sa Pinas ng mga OFW at turista na posibleng magiging carrier ng ebola.
Ano-ano ba ang mga dapat gawin upang mapigilan ang pagpasok ng ebola sa Pinas? Ito ang malaking katanungan na hindi dapat na balewalain ng kahit sino.
O mga anak ng tokwang politiko na nagbababad sa politika ngayon, sagot!
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment