NASAGIP ng Manila Police District ang isang 3-buwang-gulang na baby na umano’y kinidnap habang natutulog sa baywalk sa Roxas Blvd kaninang madaling-araw.
Ayon sa ina ng sanggol na si Carla, kapwa sila nagtitinda sa nasabing lugar at palagian nilang puwesto ang Roxas Blvd. malapit sa stop light ng Pedro Gil.
Ito na rin ang nagsisilbing tulugan nila at kasama ng kanilang sanggol.
Laking gulat na lamang aniya nilang mag-asawa nang mapansing wala na ang kanilang baby kaya agad silang humingi ng tulong sa pulisya.
Sa bahagi ng Lawton sa Maynila, namataan naman ang suspek na si Melanie Enocencio, 33, taga-Caloocan na pagala-gala sa lugar na may kargang bata kaya nilapitan ng mga pulis.
Sa interogasyon inamin niyang napulot nya ang bata sa Baywalk.
Naibalik sa mga magulang ang sanggol habang inaresto si Enocencio.
Ayon sa MPD- Police Community Precint 4 na sakop ng Lawton, bagaman maayos kausap ang suspek ay aalamin pa rin kung ito ba ay may diperensya sa pag-iisip.
Gayunman, tuloy ang pagsasampa ng kasong Abduction sa suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment