SINASABI ng Bureau of Immigration na may 1.5-milyong dayuhan sa mahal kong Pinas.
Sa bilang na ito, nasa 200,000 lang umano ang may rekord o rehistrado at nasa 1.3M ang tago nang tago.
Sabi ng BI, mula kahapon, Oktubre 1, hanggang Setyembre 30, 2015, bibigyan ang mga TNT ng pagkakataon na lumantad at magparehistro sa mga tanggapan ng BI sa iba’t ibang parte ng Pinas.
Tinatalakay natin ang usaping ito, mga Bro, dahil mahalagang usapin ang pagkakaroon ng 1,300,000 dayuhan na naninirahan sa Pinas nang hindi natin nakikilala.
SIMPLENG PAGREREHISTRO
Sabi ng BI, simple lang naman ang pagpaparehistro.
Magpakita lang ang isang dayuhan sa mga opisina ng BI sa iba’t ibang lugar sa bansa at doon siya bibigyan ng pagkakataon na gawing ligal ang kanilang paninirahan sa Pinas.
Nasa dalawang buwan lang ang dapat na itagal ng dayuhan sa Pinas at kung gusto nitong magtagal pa, kinakailangan lang nito ang humiling ng extensyon.
‘Yung mga lumagpas na ng dalawang buwan ang paninirahan sa Pinas ay maituturing nang TNT.
MAY ILIGAL NA REKORD
Magkagayunman, hindi libre sa pag-uusisa ang mga hinahanap ng kani-kanilang mga bansa dahil sa mga paglabag sa kani-kanilang mga batas.
Kung nangangailangan ng deportasyon ang isang dayuhan dahil ito ang hinihiling ng kanilang mga bansa, ide-deport nang sapilitan ang isang dayuhan.
Gayundin na ide-deport o palalayasin sa Pinas ang mga dayuhan na may mga iligal na gawain na may katumbas na deportasyon bilang parusa.
‘Yung mga problema lang sa papeles ay hindi naman palalayasin at sinasabi ng BI na tutulungan silang lahat na maiayos ang mga ito.
SAMPOL NG DAYUHAN
May nagbulong sa atin na may isang Koreano na alaga ng kanyang mga kapitbahay.
Nagkukwento umano ang Koreano sa mali-maling Ingles at naiintindihan nang kaunti na may rekord siya sa Korea kaya siya nagtatago sa Pinas.
Anak ng tokwa, ayaw isumbong ng kanyang mga kapitbahay dahil napakikinabangan nila ang Koreano.
Una, nangungupahan sa isang may paupahan ang Koreano at hindi naman ito nagkakautang dahil may padala lagi sa kanya mula sa Korea at nakukuha niya ang kanyang pera mula sa mga “kwarta padala” na mga ahensya sa kanilang bayan.
Ikalawa, pinagkakaperahan ito ng mga taga-barangay dahil katong-its nila ito.
Laging talo ang Koreano dahil dinaraya nila ito sa pustahan at laro.
Ikatlo, nag-aaral pala ang Koreano ng Filipino at marunong na siyang mag-Filipino ngayon at mahirap nang dayain sa tong-its.
PROBLEMA SA MGA DAYUHAN
Mayroon lang problema sa mga dayuhan.
Una, kung 1.3M ang mga ‘yan, hindi natin namamalayan na nagkakakrisis tayo sa pagkain, tubig, ispasyong pantahanan, kuryente at iba pa dahil sa dami ng mga ito.
Ikalawa, paano kung marami sa mga ito ang kriminal, ang terorista, ang may gawang mga iligal na nakasisira sa ating mga mamamayan, kapaligiran, sistema sa edukasyon, pamahalaan at iba pa?
Napakalaking problema, mga Bro, ang 1.3-milyon na hindi saklaw o alam ng ating pamahalaan ang kanilang ginagawa at kung magloko ang mga ito, sa laki ng kanilang bilang, ay kaya tayong batukan nang harap-harapan.
Anak ng tokwa, nalalagay tayo sa alanganin kaya tulungan natin ang pamahalaan na kilalanin ang mga ito at itulak silang lumantad para sa kaukulang aksyon ng gobyerno.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment