Monday, August 18, 2014

PINAS PABABAGSAKIN NG SAKIT NA EBOLA

KATULAD ng tatlong bansang sinasalakay ng ebola virus disease sa West Africa, malaki ang posibilidad na pababagsakin tayo ng nasabing mabangis at nakamamatay na sakit.


Binubuo ang nasabing mga bansa ng Liberia, Sierra Leone at Guinea.


Ngayon naman ay nagkakatakutan na sa Nigeria na malayo sa tatlong bansa dahil napasok na rin ito ng sakit sa pagkakaroon ng tatlong patay at 200 katao pa ang binabantayan ng gobyerno na maaaring nahawa na rin.


Sa tatlong bansa, mabilis na lumagpas sa 2,000 ang pasyente at umaabot na sa 1,200 ang namamatay sa nakalipas na ilang buwan.


Sinasabi ng United Nations na mali ang nagiging pagtantya nito sa ebola at hindi nito inakalang umabot na sa ganito kalala ang kalagayan ng sinasalakay nitong mga bansa.


MAHIGIT SA 4,000 OFW


Sakaling itutuloy ng pamahalaan ang pagpapauwi ng mahigit sa 4,000 overseas Filipino worker mula sa tatlong bansang sinasalakay ng ebola at kung mananatiling walang kontrol ang pagparito ng napakaraming Nigerian, kasama na ang mga OFW rito, malaki ang posibilidad na makapasok ang sakit sa Pilipinas.


Wala pang naiuulat na OFW na nahawaan ng sakit, maging ang P115 miyembro ng Philippine contingent ng United Nations Peacekeeping Force na nakaistasyon sa Liberia.


Kaya naman nag-iisip pa ang ating pamahalaan kung pauuwiin ang mga contingent o mga OFW.


Ngunit kung may nahawaan na at namatay, tiyak na mabilis na mag-isip at magdesisyon ang pamahalaan. Gaya nang ginawa nito sa Libya nang may mapugutang OFW at ma-rape roon.


Nagdeklara kaagad ang gobyerno ng alert level 4 at nagsagawa ng sapilitang paglilikas.


PANAY BAGSAK


Ngayon ay bagsak na bagsak ang ekonomiya ng tatlong bansa.


Bagsak o paralisado na rin ang maraming bahagi o sangay ng kanilang mga gobyerno.


At bagsak din maging ang ayuda ng ibang mga bansa sa mga bansang ito.


BAGSAK NA EKONOMIYA


Kabilang sa mga bumubuo ng pagbagsak ng ekonomiya nila ang pagtigil ng turismo at kalakalan nila sa ibang mga bansa.


Marami nang bansa ang nagpatigil ng paglapag ng kanilang mga eroplano at pagdaong ng mga barko.


Maging ang mga biyahe ng mga trak palabas at papasok mula sa katabi nilang mga bansa ay bantay-sarado o ganap nang isinara. Kaya naman, tigil ang turismo, ang kalakalang internasyonal at ang normal na pagdating at paglabas ng mga tao at kalakal.


Maging ang mga panloob na paggalaw ng mga mamamayan at kalakal ay limitado na rin.


Kinu-quarantine ang mga lugar at tao na may mga ebola at maraming biyahe ang ipinagbabawal.


Saan nga pupunta ang bansang may pangyayaring ganito?


GOBYERNO BAGSAK


Maraming paralisado na ahensya ng gobyerno sa mga bansang ito dahil maraming opisyal at tauhan ng pamahalaan ang pinagbakasyon o pinalayo sa mga lugar ng ebola.


Isinara nila maging ang mga paaralan.


Tanging ang kapansin-pansing gumagalaw ay mga militar, pulis, mediko at iba pang obligadong kumilos para sa national emergency.


Hindi na rin maaasahan ang mga mamamayan na basta kumilos at tumulong dahil sa takot na sila’y mahawa at mamatay.


Ang mga bangkay nga ng mga patay ay kung saan-saan na lang iniiwan at mas marami na ring namamatay sa ibang mga sakit dahil marami nang ospital ang nagsara sa kawalan ng mga doktor, nars at iba pang propesyunal sa kalusugan.


Paano nga hindi babagsak ang gobyerno sa ganitong kalagayan?


TULONG INTERNATIONAL


Mahigit nang isang-milyong katao ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa sakit sa tatlong bansa.


Nanghihina na rin ang kani-kanilang mga pamahalaan lalo’t wala pang gamot laban sa sakit at pinaalis sa trabaho sa gobyerno ang maraming sibilyan.


Kaya naman, ang United Nations at halos lahat ng mga bansa ay gumagawa ng paraan na maipaabot ang kanilang mga tulong na pagkain, tubig, gamot at iba pang batayang pangangailangan ng mga biktima.


Pero marami nang bansa ang nagkansela ng mga biyaheng eroplano, barko at panlupang sasakyan na papasok sa nasabing mga bansa, namemeligro naman ang mabilis na paghahatid ng tulong.


At ang problema sa transportasyon ang malaking problema ngayon.


Paano ang pagsagip sa sakit, gutom at normal na pamumuhay ng mga biktima?


DOKTOR LUMALAYAS


Nawalan na rin ng lakas ng loob ang mga ordinaryong doktor, nars at iba pang medikong dayuhan.


Kaya lumalayas na sila at nagsisiuwian na sa kani-kanilang mga bansa.


Mas gusto nilang mabuhay kaysa mamamatay sa sakit nang wala sa oras at walang kalaban-laban.


Maging ang maraming mediko na nagtatrabaho sa kanilang mga ospital ay nagsipagbitiw na rin sa takot na sila’y mahawa at mamatay rin.


Tanging ang may 700 doktor, nars at iba pa sa samahang Doctors Without Borders ang lumalaban ng patayan laban sa sakit, kasama ang mga lokal na mediko.


KAPAG NAPASOK ANG PINAS


Kung ano ang nagaganap sa nasabing mga bansa, maaaring maganap din ito sa mahal kong Pinas kung napasok na tayo ng ebola.


Kaya naman, dapat na nakapaghanda na ang pamahalaan bago pa man ito magpauwi ng mga OFW, kasama ang Philippine contingent.


Kung hindi, magkalintik-lintik ang buhay nating lahat.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda


.. Continue: Remate.ph (source)



PINAS PABABAGSAKIN NG SAKIT NA EBOLA


No comments:

Post a Comment