Friday, August 1, 2014

GOV’T PABAYA SA OFWS SA LIBYA

MAY kaibigan akong mechanical engineer na nagtatrabaho sa malaking kompanyang Aramco sa Libya.


Sapat ang sahod nito, parekoy, para sa pag-aaral ng kanyang mga anak, pagtatayo ng kanyang pangalawang tahanan makaraang tupukin ng sunog ang nauna at kaunting ginhawa nang may kinabukasan ang buo niyang pamilya.


Isa siya sa sinasabi ng gobyerno na matigas ang ulo sa pagsunod sa alert level 4 o sapilitang paglilikas ng may 12,000 natitirang overseas Filipino worker ngayon sa napakagulo nang bansa.


At malamang na kabilang na siya sa mga naghihintay ng emergency evacuation action ng gobyerno makaraang dumanas ang mga ito ng wala nang katiyakan sa buhay sa Libya ngayon.


Tunay ngang sinisisi ng gobyerno ang mga OFW sa katigasan ng kanilang ulo subalit higit na dapat sisihin ang gobyerno sa pangyayari.


Bakit?


Sapagkat, king-ina, parekoy, walang maialok ang gobyerno na kapalit sa kita at kalagayan ng mga OFW.


Kakambal pa ng alert level 4 ng kawalan pala ng gobyerno ng anomang gamit na panluwas gaya ng sasakyang panlupa, pandagat at panghimpapawid para sa mga OFW.


Wala na nga itong gamit, laway lang din ang pangako ng gobyerno na babalikatin nito ang lahat ng gastos sa paglilikas dahil hindi nakikita ang mga taong gobyerno na pumupunta sa mga OFW at tulungan sila sa pagtakas.


Ang mga hijo de putang taong gobyerno pa ang takot na takot na bumiyahe patungo sa mga OFW kaya paano nila maisasakatuparan ang pagbabakwit?


Ngayon ay naiipit na sa rape, pugot-ulo at panlilimas ng mga Libyano sa mga OFW bilang bunga na rin ng sabihin nating labis na kapabayaan at laging late na aksyon ng gobyerno sa mga krisis na ganito.


Magkagayunman, isantabi muna ang lahat ng sisihan, kapabayaan at lahat ng mga dahilan ng pagkakaipit ng mga OFW sa matinding krisis sa Libya.


Sa halip, lahat ay kumilos, sa anomang paraan, para tulungang maligtas sa lahat ng uri ng kapahamakan ang mga OFW. BURDADO/Jun Briones


.. Continue: Remate.ph (source)



GOV’T PABAYA SA OFWS SA LIBYA


No comments:

Post a Comment