Sunday, August 24, 2014

BULOK NA MRT

BAGO makapatay ng maraming tao ang Metro Rail Transit dahil sa mga depekto nito, dapat nang kumilos ang pamahalaan ukol dito.


Noong una, patigil-tigil lang ang problema ng MRT dahil umano sa problema sa suplay at kawad ng kuryente.


Habang nagtatagal, gumagrabe ang paghinto-hinto nito at dumating sa punto na nagkaroon ng tulakan na ikinadiskaril ng tren sa dulo ng riles sa Pasay City.


Ngayon naman, matagal na huminto ang tren dahil sa problema sa komunikasyon ng mga opisina nito at operator.


SIGNOS NG KAMATAYAN


Hindi maikakaila na naririyan ang signos ng kamatayan sa tren na ito.


Ang posibleng pinakamasahol na pangyayari ay ang paglundag ng tren mula sa riles nito sa itaas at pagbagsak nito sa mga lansangan sa baba.


Kapag umaapaw sa pasahero ang mga bagon nito at naging parking lot ang EDSA saka mangyari ang pagkadiskaril at pagbagsak ng tren sa parking lot, ano sa palagay ninyo ang mangyayari?


Anak ng pitong putakte, masaker ‘yan at katakot-takot na kasiraan din sa mga ari-arian.


TURUAN NG PANANAGUTAN


Kapag may nangyaring disgrasya tulad ng senaryo na tinatalakay natin, tiyak na namang magkakaroon lang ng turuan ang mga lintek na namamahala ng MRT.


Kanya-kanyang hugas-kamay riyan ng pamahalaan, ng partner nitong kompanyang pribado, ng kompanya na nagsasagawa ng maintenance at iba pa.


Ang impiyerno tiyak, mga Bro, ay kung ibabagsak ang sisi sa mga driver, gaya ng ginawa ng Department of Transportation and Communications sa diskaril sa Pasay.


Ibig-sabihin niyan, mga Bro, kailanman hindi maaasahan ang pamahalaan na umako ng pananagutan at halatang inililibre rin nito ang mga pribadong kompanya na partner nito sa negosyo.


‘Yang kumita lang ng limpak-limpak na salapi sa anomalya sa MRT ang inaatupag ng mga lintek na ito.


‘Yung ipaako naman sa iba, sa mga empleyado, ang gawa ng mga ito sa disgrasya.


PEACE TIME NA TEKNOLOHIYA


Ano itong lumalabas na balitang teknolohiya pa noong 1938 ang batayan ng disenyo ng MRT, lalo na ang mga bagon nito?


Ibig bang sabihin na ang bago lang dito ay ang pagkakaroon ng aircon ng mga bagon?


Pero ang riles at gulong ng mga bagon ay 1938 pa ang mga materyales at disenyo?


Kung totoo ito, aba, magkasing-edad ang “moderno” raw na MRT at ang Philippine National Railway na first time na bumiyahe mula sa Dagupan City, Pangasinan hanggang sa Legaspi City, Albay noong May 1938.


Para sa mga beterano sa giyerang Hapon at Kano sa mahal kong Pinas, sa peace time pa ang mga tren na ito. Ngek!


Ngayon ay tumatakbo pa ang mga tren ng PNR at patas lang ito sa MRT?


Anak ng tipaklong, libo na ang pinatay ng PNR simula noon dahil sa kalumaan nito.


At malapit na ring mangyari ito sa MRT?


ANG PAGONG


May maximum speed o pinakamabilis na takbo ng MRT na 80 kilometro kada oras.


Pero ginawa lang na 60km/h ito at ngayon ay 40km/h na lang para maiwasan umano ang disgrasya.


Ang totoo, ginawa ang MRT (at LRT na rin) sa paniniwalang magsisilbi itong “rapid mass transit system.”


Mabilis, walang trapik at para sa maraming tao at kaiba talaga sa mga transportasyon na traysikel, taxi, jeepney at bus na maliitan ang karga at natatrapik pa.


Ngayon ay mas mabagal ang MRT kaysa mga taxi, jeepney at bus gaya ng nagaganap sa Commonwealth Avenue, Quezon City na 60km/h ang maximum speed.


Puwera lang ang mga pulis, ambulansya, bumbero at iba pang may mga emergency.


Anak ng 40 putakte, naging mas mabagal pa sa pagong ang “rapid” o mabilis na tren.


KORAPSYON


Walang maisip ang mga mamamayan na dahilan kung bakit nagkakandaletse-letse ang biyaheng MRT kundi ang korapsyon at pandarambong.


Diyan lang sa luma at hindi makabagong teknolohiya, may korapsyon o pandarambong na.


Anong presyo ang batayan sa paggawa niyan: presyong 1938 pero presyong 1999 ang singilan?


Iba pang problema ang kawalan ng mantinansya umano simula noon.


At kung mayroon man, pawang puno rin ng korapsyon ang trabaho ng mga ito hanggang sa lumitaw na nga ang mga depekto at disgrasya.


BAWIIN NA LAHAT


Naniniwala tayo na may kakayahan ang pamahalaan na i-operate ang lahat ng tren at hindi totoo na wala tayong kakayahan dito gaya ng sinasabi ng mga puro pera ang inaatupag dito.


Kung kaya ng ibang mga bansa na mag-operate nang maayos sa kani-kanilang mga tren, tiyak na kaya rin natin.


Kailangan lang ang mga pagsasanay ng lahat ng mga tao na sangkot sa sistema mula sa management hanggang sa mga pinakamaliit na empleyado.


At kayang gastusan ng MRT ang sarili nito batay na rin sa pagiging suki ng mga mamamayan sa transportasyong ito.


Kumikita ang mga tren sa Pinas at naniniwala tayong walang dahilan para malugi ito.


Handang magbayad ng mas mataas ang mga pasahero kung aayusin lang ang mga ito at maging ligtas na sakayan.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www. remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda


.. Continue: Remate.ph (source)



BULOK NA MRT


No comments:

Post a Comment