UMIIYAK ngayon ang maraming jeepney operator sa bangis ng gobyerno sa pagpapahirap sa kanila.
Bukod sa kawalan ng gobyerno ng pakialam at pagsasamantala na rin sa presyo ng langis at piyesa na nagpapahirap sa mga operator, kasama na ang mga driver, biglang naniningil ngayon ng buwis ito.
Nagugulat din ngayon ang mga operator sa pagpapamulta sa kanila ng pamahalaan, sa pamamagitan ng BIR, ng napakalalaking halaga sa umano’y hindi pagbabayad ng buwis sa limang taong prangkisa.
Minimum na P10,000 ang sinisingil ng BIR sa bawat prangkisa sa bawat limang taon at tiyak na iba pa ang sisingilin nito na buwis sa kita ng mga jeepney kahit nagkakandalugi-lugi ang mga operator sa napakalalaking mga gastos sa petrolyo, goma, overhaul ng makina at marami pang iba.
WALANG ABISO
WALA ni anomang abiso, mga Bro, ang pamahalaan sa pagbubuwis ng mga jeepney at nakagugulat umano ito sa mga operator.
Para sa mga beterano sa industriya ng jeepney, walang sinasabi ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na kailangan ang pagbubuwis para sa pag-apruba ng prangkisa.
Ang alam nila, sapat na ang buwis sa sasakyan o road users tax na binabayaran tuwing rehistro.
Pero ngayon, nagiging sakit sa ulo ng mga operator ang pagbabayad ng mahal na buwis na halos hindi nila kayang ipunin dahil sa pagpapahirap sa kanila sa buwis sa petrolyo at piyesa.
Naging sumpa rin sa mga operator at driver ang pangongotong na ligal at iligal ng lahat ng mga pulis at traffic enforcer sa lahat ng araw.
Kabilang sa mga isinusuka ng mga operator at driver na gawain ng mga taong pamahalaan sa kalsada ang paglalatag ng quota sa huli upang magkapera ang pamahalaan at makakomisyon ang mga tagahuli.
Wala ring habas ang mga ito sa pagtatanggal ng mga plaka sa mga traffic violation kuno para magbayad ang mga operator ng libo-libo sa pagbawi sa mga plaka…na pinagkakakitaan din ng mga nangongomisyon na pulis at traffic enforcer.
Iba pa ang pambabangketa ng mga anak ng tipaklong na korap sa lansangan.
MARAMING TITIGIL
DAHIL sa pagpapabuwis ng pamahalaan at iba pang pagpapahirap sa halos hindi kumikita o naluluging mga operator, marami nang operator ang nag-iisip kung itutuloy o hindi na ang kanilang mga munting hanapbuhay.
Kung titigil ang maraming operator, daan-daang libo ang mawawalan ng hanapbuhay.
Maaapektuhan din ang pamahalaan dahil wala itong masisingil na buwis sa sasakyan, bayad sa prangkisa, buwis sa petrolyo, goma, piyesa at iba pa.
Manghihina rin ang mga repair shop na karaniwang suki ng mga jeepney na nasisiraan at manghihina rin ang buwis sa mga ito, kasama na ang mga tindahan ng mga piyesa at petrolyo.
Alalahanin na nakararami sa mga 4-wheel na sasakyan ay binubuo ng mga jeepney.
PROBLEMA SA TRANSPORTASYON
SA ngayon ay napakaraming sinususpinde ang LTFRB na prangkisa ng mga bus kahit paisa-isa ang mga nasasangkot na unit.
Dahil din sa pananakal ng BIR, kusang titigil ang operasyon ng maraming jeepney.
Ano sa palagay ninyo, mga Bro, ang mangyayari?
Krisis sa transportasyon. At sa pagkakaroon ng krisis sa transportasyon, lalabas ang ibang magsasamantala ng ibang may mga sasakyan na maniningil ng mahal.
Iba pang gastos ang paglipat-lipat ng mga pasahero sa iba’t ibang sasakyan dahil sa kakulangan ng mga sasakyan sa kalsada.
Ang tiyak ding mangyayari ay ang pagbagal ng kilos ng mga mamamayan na bumiyahe, lalo’t naririyan na ang pasukan ng 13 milyong estudyante. Pahirap din sa mga pasahero ang kakulangan ng masasakyan pagdating ng tag-ulan.
MGA MUNGKAHI
MALILIIT na mamamayan ang mga operator at driver ng mga jeepney at ito ang mga nagsusumikap na mabuhay nang hindi magdedepende sa limos ng pamahalaan sa anyo ng 4Ps.
Lumilikha rin ang industriya ng jeepney ng daan-daang libong hanapbuhay, bukod sa serbisyo nito sa milyon-milyong mamamayan na nangangailangan ng murang transportasyon.
Kaya naman, dapat lang na hindi pahirapan ng gobyerno ang mga ito sa pamamagitan ng sari-sari at napakamamahal na buwis, presyo ng petrolyo, piyesa, prangkisa, walang habas na panghuhuli at pangingikil at marami pang anyo ng pagpapahirap.
Maganda ring pagbigyan na ang mga jeepney ng fare hike o kaya’y pagpapababa ng presyo ng diesel para sa kanila na talaga namang napakalaking sumpa sa mga operator at driver.
Kung hindi makikinig ang pamahalaan sa mga iyak ng mga jeepney operator at driver sa hirap ng kanilang paghahanapbuhay at magpapatuloy ang kawalan ng konsensya ng pamahalaan sa kanila, saan tayo patutungo?
LUNGGA NG MGA KAWATAN
ISA sa mga ikinasasama ng mga jeepney operator at driver, mga Bro, ang labis na nakawan sa pamahalaan ng walang katarungan.
Hanggang ngayon, wala pang nakaaalam kung saan nilulustay ang bilyon-bilyong road user’s tax.
Sa daan-libong operator na pinupuwersang magbayad ng may multang buwis, tiyak na bilyon ang kikitain ng pamahalaan.
Hindi ba umano maisasama ito sa grabeng nakawan sa pamahalaan na nabubunyag sa kasalukuyan?
Ang masama umano, mga Bro, lumalabas na pinupulitika ang laban sa korapsyon at pandarambong.
Hindi isinasama sa mga dapat na imbestigahan at kasuhan ang mga KKK ng mga nasa poder kahit na isinasangkot ang mga ito sa mga anomalya.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post PAHIRAP SA MALILIIT AT LUNGGA NG MGA KAWATAN appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment