Sunday, April 27, 2014

PAANO NA SINA BENHUR LUY AT KAPWA WHISTLEBLOWERS?

baletodo4 AKALA ko matalino ang ilang senador na abogado at mismong si Justice Secretary Leila de Lima.


Kayo na ang sumukat sa kanila. Imadyin, gagawin na state witness ni De Lima si Janet Lim-Napoles na kilalang arkitekto at reyna ng pork barrel scam.


Noong humarap si Napoles sa Senate Blue Ribbon hearing, under oath siya o sumumpa na puro katotohanan lang ang sasabihin niya.


Tumakbo ang paggisa sa kanya at ang tanging nakuha ng mga taga-Senate blue ribbon committee ay “ewan ko”, “hindi ko alam”, “wala akong alam”, “ I invoke my right against self-incrimination” at marami pa na negatibong sagot.


In short, butata ang mga senador. Ultimong ‘yung nagsusulsol at nagtuturo kung ano ang dapat gawin at isagot ni Napoles ay nabigo na makumbinsi siya para maging testigo sa multi-bilyong piso na katiwalian.


Pero para sa argumento ng paglilinaw, sige, gawin ni De Lima si Napoles na testigo. Puwede ba na baguhin ang kanyang mga isinagot sa imbestigasyon nang gayon na lang? Puwede ba na “gamitin” niya ang “turo” ng isang senador na kaya siya magsasalita na ay natatakot siyang mapatay?


At papaano ang magiging itsura nina Benhur Luy at mga kasamang whistleblower? Lalabas sila na mga sinungaling?


Hindi maaari ang “collaboration of statements” o pagsasama ng kanilang testimonya sa usaping ito.


Ang mga orihinal na whistleblower ang nagbunyag sa pork barrel scam at nagsabi na ang kapural, promotor, arkitekto ng matiwaling transaksyon ay si Janet Lim-Napoles gamit ang kanyang organizations.


Ibig-sabihin, si Napoles at ang mga katulad niya ang “ulo ng sindikato.” Kung state witness na siya ni De Lima, maaalis na ba ang kanyang kriminal na pananagutan sa estado? Mag-isip-isip kayo, Ms. De Lima at mga “kasama” mo sa desisyon ninyong iyan kay Napoles!


Kaya pala ilang linggo bago ibunyag ni De Lima ang paggamit kay Napoles bilang state witness, bumanat na ang Anti-Money Laundering Commission (AMLAC) na kontrolin lahat ang pera at propriedad ni Benhur Luy at kapwa whistleblowers.


‘Yung kay “reyna” mukhang maluwag sila. Sino ang naglabas ng bilyong pera ni Napoles sa kanyang mga banko?


Sige, babuyin ninyo ang batas. Gawing testigo ang itinuturing na kriminal. Hayaang magdusa ang mga nagbulgar ng nakasusukang katiwaliang hatid ng pork barrel scam.


Maganda iyan. Namulat ang taumbayan. Wala pa ba kayong nararamdaman?


The post PAANO NA SINA BENHUR LUY AT KAPWA WHISTLEBLOWERS? appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



PAANO NA SINA BENHUR LUY AT KAPWA WHISTLEBLOWERS?


No comments:

Post a Comment