SADYA nga bang mga bulag o nag bubulag-bulagan lang ang ating mga kapulisan at ang DSWD sa pag sugpo ng nagkalat na rugby boys sa lansangan, lalo na sa mga matataong lugar?
Matagal na ang problemang ito ng ating lipunan ngunit nakapagtataka lang kung bakit hanggang ngayon ay hindi ito masugpo ng ating mga pulis gayong lantaran nilang nakikita ang mga batang ito na sumisinghot ng rugby.
Katulad na lang ng mga batang may dala-dalang plastic at lantang sinisinghot ang nasa loob habang naglalakad sa matataong lugar na gaya ng Sta Cruz, Quiapo, Divisoria, sa ilalim ng LRT sa Maynila, Quezon Avenue, Cubao, sa kahabaan ng EDSA sa Quezon City, sa labas ng Baclaran Church, Monumento, sa ilalim ng LRT sa Caloocan City at maging sa mga tagong lugar sa Metro Manila.
Nakaaawa ang mga ito lalo na ang mga kabataan na pinababayaan ng kanilang mga magulang.
Mayroon naman tayong ahensya ng goyerno na tumitingin at namamahala sa ganitong problema ng ating lipunan.
Ngunit nasaan sila, ano ang kanilang pinagkakaabalahan?
DSWD Sec. Dinky Soliman, ipaubaya mo na sa mga LGU at sa inyong mga pinagkakatiwalaan ‘yang mga donasyon sa Yolanda.
Pagtuunan n’yo naman ng pansin ang ating kawawang mga kabataan na nasa lansangan, lalo na ang mga rugby boy.
At sa atin namang mga kapulisan, nakikita ninyo ang mga establishment, tulad ng club, sugalan at iba pang pagkakakuwartahan pero mga bulag kayo sa mga nagkalat na batang lansangan, lalo na ang mga nalululong sa rugby.
PERA AT IMPLUWENSYA MAY NAGAGAWA
MALAKI talaga ang nagagawa ng impluwensya at pera sa ating lipunan, lalo na kapag ang sangkot ay isang artista o sikat na indibiduwal.
Tulad na lang ng kaso ng aktor na si Vhong Navarro.
Ang bilis ng pagkakaaresto sa grupo ni Cedric Lee, samantalang ang mga kasamahan naming mga mamamahayag na walang awang pinapatay ay nakatiwangwang pa rin sa ere ang kanilang mga kaso.
Bibihira sa mga kaso sa media killings ang nalulutas.
Hindi natin alam kung kumikilos talaga ang mga kinauukulan.
Isang halimbawa na lang ang pagpatay sa ating kasamang si Rubie Garcia, ng pahayagang Remate.
Tinukoy na ang utak sa pagpatay kay Garcia, ngunit dahil sa maimpluwensya ang taong tinukoy ay wala pa ring nahuhuli.
o0o
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo o hinaing, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09087230036.
The post DSWD, PNP INUTIL SA MGA BATANG LANSANGAN appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment