MUKHANG tinatamaan na ng karma itong si Philippine National Police chief Director General Alan Purisima.
Tuluyan na kasing nabuyangyang sa publiko ang ginawang kabalbalan ng kanyang opisina hinggil sa pinasok nitong kontrata sa Werfast, isang courier service company na halatang itinatag lang upang pagkukwartahan ang ating mga gun owner.
Kamakailan ay sinampahan ng kasong plunder itong si Purisima kaugnay ng maanomalyang kontrata sa pagitan ng PNP at ng Werfast para maghatid ng mga lisensya ng baril.
Maliban sa maanomalya ito, matagal na nating sinasabi na ito’y isang malaking kalokohan.
Halatang-halata naman na ginagawasang gatasan lamang nila itong ginawa nilang gimik na kung saan kinakailangang ideliver sa bahay ng gun owner ang kanyang lisensya at hindi na ito maaaring kunin sa mismong opisina ng Firearms and Explosives Division ng PNP.
Katwiran noon ni Purisima, maigi raw ito para malaman kung totoo ang address na nakasaad sa mga lisensya. Akala niya yata ay tanga lahat ang Filipino na kaya niyang bulagin sa ganyang mga gimik.
Aba, sir, hindi ba’t trabaho ng PNP na magsagawa ng background check sa bawat gun applicant bago niyo ito pahintulutan na mabigyan ng lisensya?
Hindi pa ba sapat iyon at kailangan niyo pa ang Werfast para sa gawin ang trabaho ng pulis?
Ang mas nakatatawa pa ay halatang inimbento lamang ang Werfast dahil wala namang ganitong courier company bago pa lumabas ang bright idea nitong si Purisima para sa delivery ng mga lisensya.
Hindi ba’t LBC naman at hindi Werfast ang nagde-deliver ng mga lisensya at napakarami ang nagrereklamo dahil sangkatutak na lisensya ang nawala dahil dito?
Oh ‘di halatang-halata na ginagawa niyo lang na gatasan ang ating mga gun owner?
Ang kapansin-pansin ay maliban sa spokesman ng PNP ay walang nagsasalita upang ipagtanggol man lang si Purisima. Dati-rati, kapag nababanatan sa media ang PNP chief ay tiyak na may maririnig tayong mga pahayag ng pagsuporta ngunit sa kaso ni Purisima, dedma ang lahat.
Ganyan kasama ng ugali nitong si Purisima. Sa sobrang yabang niya, inis sa kanya ang lahat kaya’t hindi na ako magtataka kung lalo pa siyang idiin maging ng kanyang mga sariling kakampi sa Kampo Crame.
O hayan, unti-unti ay lumalabas na ang mga baho nitong si Purisima at siguradong napakarami ang nagdarasal na tuluyan na ito ng Ombudsman. ‘Yan ang problema sa mga taong nagmamalinis pero bulok din pala.
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post KINAKARMA NA SI PURISIMA appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment