Wednesday, April 2, 2014

BAKLA

sibol5 ‘PAG sinabing tomboy, hindi tunay na babae.


‘Pag sinabing bakla, hindi tunay na lalaki.


Pero kamakailan may isang kuwento sa diaryo tungkol sa tatlong bakla na nagpakita ng asal na ang sabi ng marami ay astig at tunay na lalaki.


Ang kuwento ni Peter, Ram at Momar na inilathala sa isang pahayagan ay nagbigay inspirasyon.


Ang tatlong mga gay ay binihag ng mga rebelde kasama ng iba pa pero sa halip na magpatalo sa seryosong sitwasyon na kinasadlakan ay nagsilbing lakas para sa kapwa mga bihag, nagbigay kagalakan at nagbigay ng tulong sa abot ng makakaya.


Kaya humanga ang mga kasama, nagkaroon sila ng lakas ng loob at nabuhayan ng pag-asa.


Sa panahon ngayon ay nagiging sikat ang mga miyembro ng third sex.


Nagiging sentro ng mga pa-kontes sa TV, mga taga-aliw sa mga pelikula, at tagapagpatawa sa mga entablado.


Pero ano nga ba ang kontribusyon nila sa sambayanan? Silang kung tagurian minsan ay mga “hindi tunay” na lalaki at babae.


Sa ganun na taguri, parang kulang sila o hindi kumpleto.


Pero muli at muli, ipinakikita nila ang kayamanan ng kanilang kalooban bilang mga buong tao, bilang mga Filipino tulad na nga nina Peter, Ram at Momar, at marami pang tulad nila.


Dapat ang kuwento ng tatlong ito ang ibida sa mga pelikula, ang kuwento ng ipinakita nilang kabayanihan, na nagpakatatag at nagpakatapang para sa kaligtasan ng kapwa, ay isalin-salin, ikalat at ulit ulitin.


Ang mga baklang ito ay umasta na mga tunay na lalaki pero hindi sila kailangan tawagin na ganun dahil tunay silang tao.


Ang mga katulad nila ang mag-aangat sa kalagayan ng mga bakla, magtatanggol sa lahi nila laban sa pang-aalipusta at panghahamak.


Marami naman tayong kilala siguro na tulad nila pero hindi lang lagi nailalagay sa mga diaryo ang kanilang kuwento.


Kaya sa susunod na makikita ang marami sa atin ng mga bakla at tomboy, alalahanin ang kuwento ni Peter, Ram at Jomar, at lagpasan ng tingin ang panlabas nilang kaanyuan para makita ang tunay nilang katauhan.


The post BAKLA appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



BAKLA


No comments:

Post a Comment