TULUYAN nang sinibak si Professional Regulation Commission (PRC) Commissioner Alfredo Po.
Ito ay sa desisyon ng Court of Appeals na sinulat ni Associate Justice Carmelita Salandanan-Manahan.
Kapos umano sa merito ang mga inilahad na argumento ni Po sa kanyang petisyon.
Kumbinsido ang appellate court na nakagawa si Po ng grave misconduct at paglabag sa RA 6713 nang kanyang gamitin ang kanyang posisyon para sa personal na kapakanan at tiwaling motibo.
Sa desisyon ng Ombudsman noong May 16, 2013, pinatawan nito ng guilty si Po sa kasong administratibo na grave misconduct at paglabag sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Iniutos din ng Tanggapan ng Ombudsman ang pagbawi sa kanyang benepisyo at hindi na rin siya maaaring magtrabaho sa alinmang tanggapan ng gobyerno.
Nag-ugat ang kaso laban kay Po sa reklamo ni Ernesto de los Santos, may-ari ng inuupahang gusali ng PRC para sa kanilang tanggapan sa Baguio.
Ayon kay de Los Santos, hiningan siya ni Po ng buwanang komisyon na P42,800 para sa upa sa gusali kapalit ng pagkolekta niya ng tseke para sa bayad sa security deposit ng PRC.
Bukod sa buwanang kumisyon sa upa, humingi pa umano si Po ng P394,000 bilang broker’s commission at nagbanta pa na hindi ilalabas ang kanyang tseke.
Nang dahil sa dagdag na kabayaran na hinihingi ni Po, nagpasaklolo na si delos Santos sa NBI at noong December 5, 2012, naaresto si Po sa isang entrapment operation matapos dalhin sa kanya ng complainant ang P394,000 sa kanyang tanggapan.
Kinatigan din ng CA ang sumbong ni delos Santos na humingi at tumanggap ng bribe money si Po para maproseso ang kanyang lease contract at ang paglabas ng tseke bilang kabayaran sa upa ng PRC.
Mas binigyan din ng CA ng bigat ang ebidensyang iprinisinta ni De Los Santos at ng NBI kasama na ang video footage ng entrapment operation na nagpapakita na tinanggap ni Po ang bribe money. Teresa Tavares
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment