Monday, August 11, 2014

PABABA NANG PABABA HINDI PATAAS-PABABA

SA halip na basta ibasura lang ng Malakanyang ang pababa nang pababang grado nito sa mga sarbey, mungkahi nating makiramdam ito nang husto at umaksyon nang nararapat.


Pare-pareho ang mga nagsasarbey ng kanilang natatagpuan: pababa nang pababa ang grado ng Malakanyang.


Noong una, bagsak ang grado nito sa sarbey na isinagawa ng Ibon Foundation at Pulse Asia.


Ngayon naman, bagsak din sa Social Weather Station.


Nang isinagawa ang mga sarbey, hindi pa pinag-uusapan ang pagdedeklara ng Supreme Court na partly unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program.


Kung nakasama ang DAP sa mga sarbey, ewan natin kung ‘di lalong sumadsad ang grado nito, kasama na si PNoy.


SWS SARBEY


Ang tanong: kuntento ba o hindi ang taumbayan sa performance o trabaho ng gobyerno?


Heto ang resulta ng sarbey na isinagawa sa mga huling araw ng Hunyo 2014.


Moderate o katamtaman na +29 ang grado ng gobyernong Aquino.


Nagmula ito sa mas mataas na gradong good na +45 noong Enero-Marso 2014 at mataas pang gradong very good na +51 noong Oktubre-Disyembre 2013.


Noong kasisimula pa lang ng administrasyong Aquino, mahigit sa 80 ang grado nito pero ngayon ay lumagapak na ng ganito kababa.


Sa tunay na iskor, sabi ng SWS, nasa 56% pa naman ang kuntento sa trabaho ng gobyerno habang nasa 26% ang hindi nasisiyahan at nasa 18% ang walang masabi kung kuntento sila o hindi.


Sabi ng Malakanyang, nakararami pa naman ang kuntento kaya tuloy ang trabaho.


Ang importante umano, eh, tinutupad umano nila ang kanilang mga pangako.


At, balewala ang mga rating-rating na ‘yan.


Talaga lang, ha?


Eh, kung sasabihin nating mismong ang World Bank ang nagsasabi na lumiliit din ang sinasabi ng gobyerno na pag-unlad ng bansa mula sa taong ito hanggang sa 2015, wala ring paki ang gobyerno?


YELLOW RIBBON


Maalala lang natin, mga Bro.


‘Di ba nanawagan si PNoy sa mga mamamayan na magsuot ang mga ito ng yellow ribbon para ipakita ang suporta nila sa kanya sa kanyang laban para sa Disbursement Acceleration Program?


Dumating ang State of the Nation Address, nakapagtatakang wala ang libo-libong mamamayan na nagsusuot dati ng dilaw sa labas ng Kongreso at katapat ng mga pulahan.


Sabi nila, sumama pa nga sa mga may suot ng pula ang maraming dating nagsusuot ng dilaw o yellow ribbon.


Pero matapos ang panawagan talaga ni PNoy para sa pagsusuot ng dilaw, walang sumunod sa kanya.


Hindi kaya ito ang palatandaan na tunay ang resulta ng sarbey?


Na hindi lang basta hindi kuntento ang mga mamamayan kundi umaayaw na ang marami sa kasalukuyang administrasyon?


Saan ngayon patutungo ang sinasabi ng mga tsuwariwap ng Malakanyang na ang importante, eh, tinutupad nila ang kanilang pangako?


HINDI TUMUTUGMA


May mga mahahalagang pangangailangan ang mga mamamayan at kung matutugunan ito ng pamahalaan, walang duda na mananatili ang mataas na kumpiyansa ng mga ito sa huli.


Pero ang katotohanan nga, eh, bagsak ang kumpiyansa ng mga mamamayan.


Ibig-sabihin nito, mga Bro, na hindi nakatutugon ang pamahalaan sa mga mahahalagang pangangailangan ng mga mamamayan.


Kung hindi naman, lihis sa nasabing pangangailangan ang mga sinasabi ng gobyerno na mga pangako nito.


Kung tinutupad nga ng gobyerno ang mga pangako nito, ano-ano ang mga pangakong ‘yan?


Magkaiba ba ang mga pangako sa mga mahahalagang pangangailangan ng mga mamamayan?


MAHAHALAGANG PANGANGAILANGAN


Heto, mga Bro, ang mga sampol na ng mga mahahalagang pangangailangan ng mga mamamayan.


Mababang presyo ng bigas at iba pang mga bilihin, langis, kuryente, tubig, toll, pamasahe at iba pa.


Pagtaas ng sahod, pagkakaroon ng trabaho, matagalang trabaho, kalayaan sa gutom at kahirapan, mataas na antas ng edukasyon at marami pang iba.


Mabilis na aksyon sa mga kalamidad at iba pa.


Nakatutugon ba ang pamahalaan nang mahusay rito?


Napakamamahal na ang lahat ng mga bilihin at bayarin.


Dalawang taon na ring hindi pinag-uusapan ng pamahalaan ang pagtaas ng sahod ng mga obrero.


Hindi na nga tumataas ang sahod, panay pa ang kaltas ng Bureau of Internal Revenue kahit sa mga allowance at bonus ng mga ito.


Wala ring aksyon ang gobyerno sa kontraktuwalisasyon na sumisira sa matagalang trabaho at pagtaas sana ng sahod.


At sobra-sobra ang kabagalan ng gobyerno sa pagtugon sa napakalungkot na kalagayan ng mga nakakalamidad.


Ngayon, ano-ano ‘yang mga sinasabi ng gobyerno na pangakong tinutupad nito?


DAPAT BUMALIK


Kung gusto ng gobyerno na bumalik ang pagtitiwala ng mga mamamayan sa gobyerno, dapat na balikan o sumilip ito sa nasabing mahahalagang mga pangangailangan.


Hindi ‘yung may sarili siyang mga proyekto o programa na akala niya’y para sa kapakanan ng mga mamamayan.


Hindi masama o mali ang pagkakaroon ng sariling proyekto o programang maiaalok ng gobyerno sa mamamayan.


Pero higit na mahalaga ‘yung alamin ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga mamamayan at dito niya ibuhos ang kanyang kapangyarihan at pondo.


Saka nito isama ang iba pang adyenda o layunin nito gaya ng pagdurog sa korapsyon at pandarambong na sa huli ay palpak pa rin dahil ang mga kalaban lang nito ang ginigipit at hindi kasali ang mga KKK nito.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda


.. Continue: Remate.ph (source)



PABABA NANG PABABA HINDI PATAAS-PABABA


No comments:

Post a Comment