Sunday, April 27, 2014

SWINDLERS’ LIST NI JANET NAPOLES ILABAS NA

KANYA-KANYANG hugas ng kamay ang mga senador at kongresman, kasama ang mga nasa Palasyo, sa P10 bilyong Janet Lim-Napoles scam.


May nagpapatawag ng sarili nilang presscon para sabihing hindi sila kasali sa listahan.


Mayroon namang nagdadaldal na wala silang kaugnayan kay Napoles kahit na isang kusing na transaksyon.


Mayroon namang nagsasabing dapat tumahimik ang mga whistleblower, kasama na si dating Senador Ping Lacson, kung wala silang matibay na ebidensya.


Kanya-kanya ring daldal na hindi nila kakilala si Napoles kaya wala silang kaugnayan sa queen of pork barrel scam.


MAS MALAKI SA 3 ITLOG


AYON kay idol Ping Lacson, may mas malalaki ang kinita sa Priority Development Assistance Fund kumpara sa kinita ng tatlong itlog na pinag-iinitan ngayon ng Department of Justice at Office of the Ombudsman.


Kung sino-sino ang mga ito, kanya-kanya rin ang hugas-kamay.


Halimbawa ang binansagang “King of Pork” sa Palasyo. Sabi ng binansagang “hari ng pork barrel”, wala ni anomang anomalya sa paghawak niya sa salaping-bayan. At wala siyang tinuturan kung paano ang mabilis o wagas na paraan para makakuha ng salapi si Napoles. Peryud!


Ang binabansagan namang “hari ng mga baboy”, eh, panay ang deny nito na may kaugnayan ito kay Janet at ‘yung mga picture-picture ay dala lang ng pagiging sikat niya na karaniwang ginagawan ng mga selfie. Hehehe!


Pero sino-sino nga ba ang mga may malalaking kinita sa PDAF kumpara sa “kinita” ng tatlong itlog.


SWINDLERS’ LIST


PINALALABAS ngayon na may pagkakapareho at pagkakaiba sa hawak nina Justice Secretary Leila de Lima at Lacson na listahan ng mga mandurugas o swindlers’ list, sa salita ni yumaong Dolphy, sa kaban ng bayan.


Ibinigay mismo ni Janet ang kopya ng listahan ng mga mandurugas kay De Lima habang si Jimmy na dyowa ni Napoles ang nagbigay naman ng katulad na listahan kay Lacson.


Kung totoo ito, hindi namang nangangahulugan na mali ang impormasyon na hawak ng isa kina De Lima at Lacson. Mas malamang na higit na marami ang magkakatugma kaysa magkakaiba.


At ang mga magkakatugma ang dahilan ng pag-ikot ng puwet ng maraming senador at kongresman, kasama na ang ilang taga-Palasyo.


Habang may nagtatatwa ng kanilang partisipasyon, kasabay naman nito ang malaking kaba.


‘Yung iba, hindi maringgan ng anomang salita at inaantay na lang nila ang pagsingaw ng kanilang mga pangalan.


At malamang, ang isasagot nila, eh, sa tamang forum na lang sila magsasalita.


‘Yun bang === sa Ombudsman o sa DOJ o sa Sandiganbayan.


SWINDLERS’ LIST ILABAS NA


PARA sa atin, upang malinis ang ngalan ng tunay na malinis at masampahan ng kaso ang dapat na masampahan nito, dapat nang ilabas ng DOJ at ni Lacson ang kanilang mga Swindlers’ List.


Lalo’t kinakabahan ang maraming mamamayan na ang bagsak ng lahat, kung itatago ang mga nakalista sa mahabang panahon, ay malabnaw na ang mga listahan.


‘Yun bang === wala na sa listahan, halimbawa, ang mga mas malalaking mandurugas o kawatan kumpara sa tatlong itlog.


‘Yung iba naman ay maaaring hindi na pupwedeng pangalanan kung sila’y namatay na sa rason na hindi kasi nila maidedepensa ang kanilang mga sarili sa akusasyon.


Pagmumulan pa ito ng kaso na libelo dahil hindi pupuwedeng mantsahan ang ngalan ng isang patay.


Pero higit dito, may mga napakahahalagang katotohanan na maibabaon sa lupa sa pagkamatay ng mga salarin.


KATOTOHANAN AT KATARUNGAN


KUNG magtatagal ang paglalabas ng pangalan ng mga Swindlers’ List, hindi lamang katotohanan ang posibleng magiging kasinungalingan.


Maging ang paghahanap ng katarungan ng buong sambayanan ay mababalewala.


Sa pagkawala ng katarungan, wala nang mabibilanggo sa mga kawatan, wala pang maisasauli ang mga ito na nakaw na yaman.


Imadyin kung basta mawala na parang bula ang katotohanan, katarungan at pagbabalik ng mga nakaw na yaman na nagkakahalaga ng P10 bilyon.


Pero alam ba ninyo na daan-daang milyon din marahil ang naidagdag na nawawalang gastos dahil sa paglalakad ng pamahalaan na iharap sa dambana ng katarungan ang mga mandurugas sa kaban at buhay ng sambayanan?


NASAYANG


KUNG susukatin natin ang nauubos na salaping-bayan at oras para lang makilala at masampahan lang natin ng demanda at mapakulong ang mga mandurugas, higit ang halaga sa maaari nating mailista.


Ang tiyak, dagdag pa ito sa P10B ninakaw o nilustay mismo ng mga kawatan.


Sa kalamidad na sanhi ng Yolanda, sinasabi ng gobyerno na nasa P800,000 milyon ang nagastos na ng gobyerno para sa relief goods na ipinamimigay nito.


Nasa P400 milyon naman ang ipamamahagi ng Department of Agriculture na ayuda para sa mga magsasaka at mangingisda.


Nasa P1.2 bilyon lahat ‘yan. Ibig-sabihin, mga Bro, kung ginamit lang sana ang P10 bilyon para alalayan ang mga biktima ni Yolanda, hindi sana basta magkaloko-loko ang buhay ng mga ito at may sapat sanang ayuda sa mga ito para mapigilan ang gutom nila at mabigyan na rin sila ng sapat na puhunan para sa panibagong buhay.


Kaya, dapat na may panagutin sa mga kawatan sa iskam at dapat silang ilantad, now na, para makaliskisan at mapanagot sila sa batas at may magamit para sa kapakanan ng sambayanan, lalo na sa oras ng pangangailangan.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.


The post SWINDLERS’ LIST NI JANET NAPOLES ILABAS NA appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



SWINDLERS’ LIST NI JANET NAPOLES ILABAS NA


No comments:

Post a Comment