HULI man daw at magaling… huli pa rin! Kahit ano pa ang sabihin at ingakngak ng mga alipores ni Pangulong Benigno Aquino III upang malutas ang pagpaslang sa kapatid na Remate reporter na si Ruby Garcia, mananatiling walang saysay ito dahil huli na ang lahat.
Hindi na maibabalik ang buhay ng kawawang nilalang na si Garcia na ginawa lang ang kanyang trabaho bilang mamamahayag at bilang ina ng tahanan na kailangang maghanapbuhay para maitaguyod ang kanyang pamilya.
Napakawalang puso ng “utak” sa pamamaslang kay Garcia sapagkat siniguro nito na hindi na makaliligtas pa sa tama ng mga bala ng kanyang inupahan ang biktima.
Sa isang bala lang ng kalibre .45 ay hindi na bubuhayin lalo’t vital organ ang tinamaan. Eh, ‘di lalo na kung apat o limang tama.
Wasak ang bahagi ng katawan na tinamaan ng bala.
Kahit anong paliwanag ang gawin ng pamahalaan at kahit anong task force pa ang itatag para hanapin at panagutin ang mga salarin, mananatiling INUTIL ang gobyerno sapagkat hindi nito kayang sugpuin ang pamamaslang sa mga mamahayag, mahistrado at piskal, makakalikasan at mga aktibista na ang tanging hangad ay para sa ikabubuti ng bayang Pilipinas.
Pawang papogi lang ang ginagawa ng mga alipores ni Pangulong Noynoy sa MalacaƱang. Pagtatanggol at pagpoprotekta lang sa mga malalapit na KKKK kay PNoy ang nagaganap at pawang pampalubag-loob lang ang mga binitiwang salita ng Pangulo na “KAYO ANG BOSS KO!”
Kung ang mamamayan ang boss ni PNOY, eh, ‘di sana pinagsisilbihan niya ito at pinoprotektahan.
Bakit hinahayaan lang niyang patayin na parang hayop ang mga mamamahayag?
Bakit ang mga may karapatan lang na magdala ng baril ay ang mga may gawaing iligal at ang mga ligal na nagmamay-ari ng baril ay pinahihirapan sa pagkuha ng lisensya at PTCFOR.
Masakit pa, ginagawang negosyo ang pagkuha ng lisensya at ang pribilehiyo na makapagdala ng baril.
Hanggang kailan ba ang hihintayin ng mga mamamayan lalo na ang mga naniwala kaya naiboto at nailuklok sa pinakamataas na posisyon si Pangulong Aquino sa kanyang pagpapatupad ng “Tuwid na Daan?”
Huwag naman sanang “walang hanggan”. Hindi na ito kayang hintayin ni Juan dela Cruz at baka “mapagod ang puso” nito sa paghihintay.
Pakikiramay ang ipinaaabot ng PAKUROT sa pamilya at mga naulila ni kapatid na Ruby Garcia.
Panalangin din ang hiling sa mga mambabasa para sa kanyang kaluluwa.
Nawa’y huwag patahimikin ng kanyang konsensya ang may gawa ng krimen.
Nawa’y maramdaman kaagad ng may sala ang lupit ng karma. Amen!
The post HANGGANG KAILAN? appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment