MASAKLAP at napakasakit ang masunugan. Sabi nga nila, mas mabuti pang ikaw ay manakawan huwag lang masunugan.
Sa kaso namin, nasunugan na nga kami ay napagnakawan pa kami ng mga taong itinuturing pa naman naming mga lingkod-bayan.
Sa kabilang banda, sa mga ganitong pagkakataon mo rin tunay na masusukat ang iyong katatagan. Dito mo rin makikilala ang mga tunay mong mga kapamilya at kaibigan. Dito mo makilala ang taong tunay na katuwang at karamay sa iyong paglalakbay sa biyahe ng buhay.
May mga tao rin na kunwari ay tutulungan ka ngunit sa halip ay pagsasamantalahan pa ang iyong kalagayan.
Walang anomang galit sa aking dibdib at kung anoman ang nangyari ay maluwag kong tinatanggap bilang bahagi ng pagsubok sa aking katatagan. Ito’y isang hamon upang lalo pa akong magpursigi at magsikap na tumayo mula sa pagkalugmok.
Mabuti na lang at nandiyan ang mga taong gaya nina boss Benny Antiporda na maliban sa pinamanahan ako ng brand new na TV ay walang pag-iimbot na ipinahiram ang kanyang condominium upang dito kami pansamantalang manirahan.
Dito ko rin nasubukan na tunay ngang marunong magmalasakit itong si Samar Congressman Mel Senen Sarmiento na agad na nagpadala ng ayuda upang mairaos namin ang mga krusyal na araw pagkatapos ng naganap na sunod.
Napakalaking bagay rin ang mga ipinaabot na tulong nina Congressman Karlo Nograles ng Davao, sa kanyang nakababatang kapatid na si Koko at of course kay dating Speaker Boy Nograles.
Tunay na napakabait ang pamilyang ito at dito mo masasalamin ang kanilang pagkatao.
Hindi rin natin inaasahan ang pagsaklolo ng ating kasamahan sa pagba-bike na si Lot Hortaleza. Ramdam na ramdam natin ang kanyang pagmamalasakit sa delubyong dumating sa aming buhay.
Touched din ako sa pagmamalasakit ng aking kaibigang si Larry Perico na kahit hikahos din sa buhay ay nagawa pang magbigay ng tatlong bag ng semento.
Nakatutuwa rin ang pagmamalasakit ng Tiklop Society of the Philippines (TSP) sa pangunguna ni chief Pio Fortuno, Jr. at Audax Philippines sa pangunguna ni Carmela Patricia Pearson na nag-ambagan pa upang kami’y matulungan.
Nakaaantig din ng damdamin ang ipinakitang pagmamalasakit ng aking mga kamag-anak na gaya nitong aking pamangkin na Alaine Lampaya at aking mga Uncle Remi at Auntie Meren (at kanilang mga anak) na nasa Canada.
Lubos din ang ipakitang pagtulong at pagmamalasakit ang ipinakita ng aking dalawang kapatid na si Nestor at Domeng.
Napakarami pang mga taong tumulong sa amin kaya lalong lumakas ang aking loob upang magpakatatag at hindi magpagapi sa unos na humambalos sa aking pamilya.
Naisip ko na kaya siguro ganito na lang karami ang mga taong nagmalasakit sa inyong lingkod ay dahil kahit papaano ay nakapagtanim din tayo ng kabutihan sa ating kapwa.
Dito sa sunog na ito, naipamalas sa akin ang mga tunay na mahalaga at mga dapat pag-ingatan.
****
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestyon at mag e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment