Wednesday, February 25, 2015

PUMATAY SA SAF 44 DAPAT ISUKO NG MILF

HABANG patuloy na umiinit ang isyu sa naganap na pagpatay sa 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ay lalo pang umiigting ang panawagan na dapat na isuko ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang kanilang mga kasamahan na sangkot sa naganap na madugong labanan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 ng kasalukuyang taon.


Kung talagang seryoso ang MILF na magkaroon ng kapayapaan at malagdaan ang Bangsamoro Basic Law (BBL) ay kailangang ipakita ng naturang grupo na handa silang isuko ang kanilang mga kasamahan na sangkot sa pagpatay sa Fallen 44.


Hanggang ngayon kasi ay patuloy na naghihirap ang kalooban ng mga kaanak ng mga napatay na miyembro ng SAF sa tuwing maaalala ang naganap sa kanilang mahal sa buhay kaya’t patuloy ang kanilang paghingi ng katarungan.


Karumal-dumal ang sinapit ng Fallen 44 at kitang-kita naman natin ito sa kumalat na video kung saan ay isang miyembro ng SAF ang naghihingalo at nang makita ito ng sinasabing tauhan ng MILF ay ilang ulit pa itong binaril hanggang sa tuluyang mamatay.


Dahil sa ganitong mga sitwasyon, lalong umiigting ang panawagan ng taumbayan na isuko ng MILF ang kanilang mga tauhan na sangkot sa madugong labanan nang sa gayon ay magkaroon ng katarungan ang tinaguriang Fallen 44.


Kapag isa-isang isusuko ng MILF ang kanilang mga tauhan na kasali sa tinaguriang Mamasapano Clash ay baka sakaling makakuha sila ng simpatya sa ilang kongresista na magsusulong sa BBL.


Ang Bangsamoro Basic Law ang sinasabing magiging susi para tuluyang magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao kaya kung talagang gusto ng MILF na mangyari ito’y panahon na siguro upang isuko nila ang mga kasamahan nilang nakapatay sa Fallen 44.


Ilang dekada na rin ang problema sa Mindanao at matatapos lamang ito kung tuluyang ibababa ng mga armadong grupo ang kanilang armas at makikipagkasundo sa gobyerno at tapusin na rin ang matagal na pakikidigma.


Naalala ko pa tuloy noong panahon ni dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, nang magdeklara ito ng all-out war laban sa mga armadong grupo sa Mindanao na naging dahilan ng pagbuwis ng maraming buhay.


Maaari pa natin itong maiwasan kung tuluyan nang makikipagtulungan ang MILF sa pamamagitan ng pagsuko sa kanilang mga kasamahan na nakapatay sa Fallen 44.


Marami nang buhay ang nasayang kayat dapat nang kumilos upang matuldukan na ang kaguluhang ito dahil tayong mga Filipino ang labis na naaapektuhan dito. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO


.. Continue: Remate.ph (source)



PUMATAY SA SAF 44 DAPAT ISUKO NG MILF


No comments:

Post a Comment