NOONG bago bumisita sa bansa si Santo Papa Francis, abalang-abala ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pag-iipon ng mga bata at pamilyang lansangan para raw bigyan nila ng tulong.
May mga dinala pa nga ang DSWD sa isang mamahaling resort sa Batangas para isailalim daw sa isang lecture.
Dito raw kasi pipili ang DSWD ng mga pamilya na isasali nila sa conditional cash transfer program nito.
May hawak na malaking pondo para sa naturang programa ang nasabing ahensya.
Pero naging kontrobersyal ito dahil dinala ang mga bata at pamilyang lansangan sa mamahaling resort sa mga panahong nasa bansa’t naglilibot na ang Santo Papa.
Kasi ayaw mapahiya ng DSWD at ng gobyerno kung makikita ni Pope Francis na maraming pakalat-kalat na pulubi sa lansangan. At ngayong tapos na ang misyon ng Santo Papa sa bansa, mukhang tapos na rin yata ang trabaho ng DSWD.
Aba’y pagmasdan n’yo uli, bayan, ang Metro Manila, nagkalat na naman ang mga bata at pamilyang lansangan.
Huwag na po tayo lumayo, mga suki.
Ikutin n’yo lang ang bandang Intramuros, Ermita at Malate sa lungsod ng Maynila, makakikita kayo ng mga palaboy at pamilyang nakatira sa kariton sa mga gilid ng bangketa.
Sa likod po ng Central Post Office, may mga nagtayo ng shanties para magsilbing bahay ng mga pamilyang lansangan. At sa bahagi ring iyan makakikita ng mga batang palaboy na nagso-solvent.
Sa pagsapit ng gabi sa Quezon Bridge, Quiapo ay may mga kabataan ding nagso-solvent kung kaya kinatatakutan na itong daanan ng mga tao at motorista.
Sa Liwasang Bonifacio ay gayundin. Ang mga ilalim ng tulay ay ginagawa nilang bahay. Ang karamihan sa kanila ay kasama sa mga “hinuli” at dinala sa resort ng DSWD nang bumisita ang Santo Papa.
Hindi ba sila nakasali sa programang CCT ng DSWD? Kung hindi, ano ang plano sa kanila ng DSWD o ng pamahalaan? Hahayaan na lang ba sila magpalaboy-laboy hanggang sa maging sakit ng ulo ng bayan kapag nakagawa ng krimen?
May isa tayong ininterbyu na pamilyang palaboy.
Mas okey na raw sila sa gayong buhay kaysa umasa sa DSWD at gobyerno.
Nakararaos sila kahit papaano sa pangangalakal at pagtitinda ng kung ano-ano sa bangketa.
Itinanong ko kung may mga taga-gobyerno na lumalapit sa kanila para magbigay ng tulong.
Wala raw.
Kasi, nawawala ang mga taga-DSWD na dapat ay tumitingin sa buhay ng mga bata at pamilyang lansangan. KANTO’T SULOK/NATS TABOY
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment