MAY dalawang kasong maaring kaharapin si Pangulong Aquino pagbaba nito sa puwesto dahil sa Mamasapano incident na kumitil sa 44 miyembro ng PNP-SAF.
Sa press conference ng Minority bloc, sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na kung hindi man kayang ma-impeach si PNoy dahil sa insidente sa Mamasapano, Maguindanao ay dalawang kaso naman ang maaaring iharap sa kanya.
Ipinaliwanag ng kongresista na hindi pwedeng gamiting alibi ng pangulo na pinagsinungalingan lamang siya ng nagbitiw at PNP Chief Director-General Alan Purisima upang makalusot sa pananagutan.
Malinaw aniya na nilabag ng pangulo ang suspension order ng Office of the Ombudsman kay Purisima nang pagkatiwalaan ito sa operasyon ng Oplan Exodus kahit nasa ilalim na ito ng suspensyon.
Bilang isang abogado, iginiit ni Zarate na pwedeng makasuhan ang pangulo ng paglabag sa Anti Graft Law na nagbabawal sa sinomang opisyal ng gobyerno na magdulot ng undue injury sa pamahalaan dahil sa pagkiling nito sa isang kaibigan o kapabayaan at paglabag sa Code of Ethical Standards for Government Officials and Employees na nag-aatas na unahin ang interes ng publiko kumpara sa personal na interes.
Ito’y dahil sa lantarang pagkiling ng pangulo sa pagiging magkaibigan nila ni Purisima.
Ayon naman kay Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon, ang pagtatakip ngayon sa tunay na pangyayari sa Mamasapano ay pagtatakip din sa posibilidad ng pananagutan ni PNoy sa insidente.
“From the changing script of cabinet members to the attempts of his allies in both the Senate and the House to shield him from accountability, it is apparent that there is a massive cover up plan that’s now being implemented,” ani Ridon.
Inihalintulad ni Ridon ang cover up operation sa Watergate scandal na ikinabagsak ng administrasyong Nixon ng Estadod Unidos noong dekada 70. MELIZA MALUNTAG
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment