Monday, February 2, 2015

KATOTOHANAN KALKALIN, WALANG TAKIPAN

HANGGANG hindi makalkal nang husto ang mga mahahalagang usapin o katotohanan sa kaso ng SAF Fallen 44 kung tawagin, mananatili sa kaguluhan ang ating mga isipan at ang Mindanao.


Sinasabi nating Mindanao dahil posibleng kakalat ang kaguluhan mula sa mga sinasakop ng Bangsamoro government sa iba pang lugar.


Pero ano-ano nga ba ang mga katotohanan na dapat bigyang-linaw upang makahakbang tayo tungo sa paghupa ng kaguluhan at kapayapaan na rin?


Siyempre pa, kanya-kanya ang mga opinyon dito pero dapat pagsumikapan talaga ng lahat na alamin ang mga katotohanan, lalo na ang mga “pinagtatakpan” kung mayroon man.


Kapag namayani ang pagtatakip, mga Bro, tiyak namang magkakandahetot-hetot ang lahat.


MGA KANO KASALI


Noong una na may nagpakitang helikopter ng mga Kano sa area ng labanan, sinasabing tinawagan lang ang mga Kano ng ating gobyerno para tumulong sa pag-alis at paglipad ng mga bangkay ng Fallen 44 at mga nasugatang kasama ng mga ito.


Pero habang lumilipas ang mga araw, may lumilitaw na mga ulat na may napatay na armadong Kano at may apat na iba pang buhay na armadong Kano rin na kinuha ng helikopter.


Ano ang ibig-sabihin niyan, huh?


KOORDINASYON SA MGA KANO


Kung totoo na may Kano sa operasyong bininyagan ng Oplan Wolverine, ano ang pakahulugan niyan? Siyempre pa, panay ang hugas-kamay ng Federal Bureau of Investigation at nakasiper naman ang bunganga ng ating mga awtoridad.


Pero alam nating wanted sa mga Kano si Marwan at pinatungan pa nga ang ulo nito ng $5-milyon, para sa kanyang pagkaaresto o pagkamatay sa Pinas na pinagtataguan nito simula noong 2003. Kaya hindi imposibleng may Kano na kasama sa operasyon. At sa mga Kano may koordinasyon ang galaw ng mga pulis at nina PNoy pwera ang mga militar at pulis na lokal?


Wanted si Marwan dahil sangkot o isa siya sa mga lider na bumomba sa Bali, Indonesia noong Oktubre 12, 1012 na ikinamatay ng 202 katao at ikinasugat ng nasa 209 iba pa. Kabilang sa mga namatay ang 88 Australyano, 38 Indonesian, 27 Briton, pitong Amerikano, anim na Swede at tatlong Dane.


Miyembro si Marwan ng Jemaah Islamiyah na sangay ng Al-Qaida ni Bin Laden. Dito rin nakapaloob ang Abu Sayyaf Group na umano’y kinapapalooban naman ni Abdul Bassit Usman na kasangga ni Marwan.


CHIEFTAIN ANG UGAT


Sa dumating na balita sa ating pahayagan, wala umanong aberya ang pagpasok ng mga SAF.


Pero habang pumapasok at umaalis ang mga ito, may apat kataong napatay o kaya’y pinatay umano ng mga SAF.


Isang chieftain ang pinatay umano ng mga SAF kaya lumabas ang mga armado na sinalihan na rin ng mga Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter. Ang chieftain umano’y respetado sa lugar at ito ang pinagmulan ng labanan.


‘Yung isang pinatay ay nakatali ang mga kamay samantalang dalawa naman ang natagpuang patay sa kani-kanilang tahanan. Kabilang ba sa mga ito ang chieftain na pinaslang ng mga SAF?


NO MAN’S LAND


Uso sa mga war zone sa mahal kong Pinas ang mga tinatawag na No Man’s Land.


Ibig-sabihin, mga Bro, sinomang matatagpuan ng mga pulis at militar na nakatira o kakalat-kalat sa lugar, pinipigil ang mga ito.


Sa karanasan ng mga nasa war zone, karaniwang natatagpuan na lang ang mga ito na patay na o nawawala at nalalaman na lang na nakakulong na pala.

Suspek sa pagiging rebelde ang sinomang matatagpuan sa mga No Man’s Land kaya maaari ri silang mamatay o mabilanggo.


Suspek din ang pagtingin ng mga rebelde sa mga taong gumagala-gala sa nasabing mga lugar…kung hindi nila kilala ang mga ito. Kaya ginagapos din ang mga ito at kung ano ang ginagawa nila sa mga ito makaraan ay sila na lang ang nakaaalam.


Hindi umiiral, mga Bro, ang pagkilala o pagrespeto sa “human rights” sa mga ganitong lugar, batay sa sumbong ng ating uzi.


KALKALIN


Ang mga nabanggit natin na sitwasyon, mga Bro, ay mahahalaga.


Sa kaso, halimbawa, ng mga Kano, kapag may iniutos sila sa mga opisyal natin o sa gobyerno, walang magawa ang mga ito kundi sumunod.


Ang paghahabol ng mga Kano at ibinabala nila ang mga pulis at sundalo ay hindi imposible dahil dinaraan ito sa kautusan nila sa ating mga lider na gawin. Kasaysayan na ito.


Kasaysayan din sa mga war zone natin, sa mga No Man’s Land, na hindi umiiral ang tinatawag na “respect for human rights.”


Ito ba ang naghari nang pasukin ng mga SAF ang pinagkukutaan nina Marwan at Usman at pare-parehong naging bayolente ang mga ito?


Sa mga imbestigasyong gagawin, mungkahi nating isama ang mga ito sa mga bibigyan ng pansin at alamin kung kabilang ang mga ito sa mga ugat ng problema upang maging tama ang ating tugon dito.


o0o

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


.. Continue: Remate.ph (source)



KATOTOHANAN KALKALIN, WALANG TAKIPAN


No comments:

Post a Comment