KINASUHAN na si Senate President Franklin Drilon ng plunder o pandarambong sa Office of the Ombudsman kaugnay ng proyekto nitong Iloilo Convention Center.
Si dating Provincial Administrator Manuel Mejorada ang nagsampa ng kaso at nagsabing overpriced ang proyekto ni Drilon.
Sinasabing galing sa Priority Development Assistance Fund at Disbursement Acceleration Program ang mga pondong ginamit dito.
Simple lang naman ang paliwanag ni Senate President.
Ang Department of Public Works and Highways ang nagsagawa ng lahat ng pasubasta at paggawa ng proyekto ito na lang umano ang dapat na magpaliwanag.
Basta wala umano siyang naging papel kundi magsagawa ng panukalang batas na naaprubahan naman ito para sa proyekto, kabilang na ang karampatang pondo.
Wala umano siyang kinalaman sa overpricing kung meron man at lalong naniniwala siya na walang overpricing.
P488M ANG OVERPRICE
Habang naghuhugas ng kamay si Mr. President kung tawagin sa mga imbestigasyon sa Senado, sinasabi naman ni Mejorada na dating ring staff member ni Drilon sa Senado, na marumi ang kamay ni Drilon sa proyekto.
Pero may kasabwat umano siya sa iligal na kita na nagkakahalaga ng P488M mula sa P1B pondo ng convention Center.
Pinangalanan ni Mejorada na kasabwat ni Drilon sina DPWH Sec. Rogelio Singson at Tourism Secretary Ramon Jimenez.
Syempre pa, nagpaliwanag na rin si Sec. Singson at pinasinungalingan ang mga paratang ni Mejorada.
Mali umano ang paghahambing ni Mejorada sa presyo ng isang gusali na malapit sa convention center na napakamura habang nakapagtatakang mahal ang proyekto ni Drilon.
May sarili umanong katangian ang convention center na kailangang gastusan nang todo upang maging matibay talaga ito.
Ewan lang natin kung ano naman ang isasagot ni Sec. Jimenez. Habang sinusulat natin ito, mga Bro, hindi pa natin naririnig ang boses ni Jimenez.
AKSYON NG SENADO
Isang tanong lang sa Senado, mga Bro, lalo na sa Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. TG Guingona at kasapi rito sina Sen. Alan Cayetano at Sen. Koko Pimentel.
Iimbestigahan din ba ninyo ang kasong ito at kalkalin kung paano na nasangkot dito ang PDAF at DAP ni Drilon?
Kung naimbestigahan noon sina Mang Johnny, Jinggoy at Bong at ngayo’y dinidikdik si Vice-President Binay, magpapatawag din ba sina Guingona ng imbestigasyon in “aid of demolition”, ehek, in aid of legislation?
Nagtatanong lang po!
Kung hindi kayo interesado riyan sa Blue Ribbon Committee, happy Undas na lang po sa inyo.
Kayo na rin yata ang dahilan kung bakit umatras na ni PNoy sa second term at charter change.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
..
Continue: Remate.ph (source)
OVERPRICING NI DRILON SA P1-BILYON AT ANG BLUE RIBBON