Tuesday, April 1, 2014

TERORISMO, KALAMIDAD, KRIMEN AT PAGSASAMANTALA

_benny antiporda IT’S more fun in the Philippines?


Kalimutan na natin ito pagdating sa mga kalamidad o matitinding problema.


Nakapanlulumong isipin ito sapagkat kung kailan nangangailangan ang mga mamamayan ng ayuda o paglingap, diyan naman lumilitaw ang kademonyohan ng marami sa atin.


MARTILYO GANG SA MOA


NAKARARANAS ng kagalit-galit na kalagayan ang mga mamamayan na naroon sa Mall of Asia nang maganap kamakailan ang krimen ng isang martilyo gang dito.


Dahil sa takot na madamay sa barilan sa pagitan ng mga kawatan o holdaper at mga pulis, nagpasya ang libo-libong kostumer ng mall na umuwi na lang.


Pero sa pag-uwi ng mga ito nang walang masakyang katulad ng mga jeepney o bus malapit sa mall, sa mga taxi sila tumakbo para sumakay.


Dito nagsamantala ang maraming taxi driver.


Pinairal ng mga ito ang pangongontrata at sinomang hindi pumayag sa mahal na halaga ng kontrata ay hindi pinasakay.


WALANG GOBYERNO


SA mga oras na iyon, walang awtoridad o walang gobyerno na mapagsusumbungan ng mga mamamayan.


Walang umalalay na awtoridad sa mga mamamayan na binalot ng takot at pagsasamantala.


Wala ring pakialam ang mga may-ari ng mall kung ano ang nagaganap sa mga mamamayan na kostumer nila.


Lumalabas na parehong naging walang kuwenta ang mga awtoridad at may-ari ng mall sa gitna ng kaguluhan.


Sino ang magsasabi sa mga sitwasyong ito na “It’s more fun in the Philippines?”


TURISMO AT TERORISMO


MAITUTURING na isang sentro ng turismo ang Mall of Asia.


Ang mga lokal na turista ang nangunguna na bumibisita sa lugar. Syempre, may mga dayuhan din.


Ang daan-daan at libo-libong bata mula sa iba’t ibang eskwelahan ang karaniwang turista na dagsa kung dumayo sa lugar.


Paano kung sila ang nadatnan ng mabangis na krimen gaya ng ginagawa ng mga martilyo gang?


Paano na lang kung mas matitinding krimen ang maganap sa lugar gaya ng ginagawa ng mga turista? Eh, ‘di lalong magiging kawawa ang mga mamamayan.


Bagama’t natutuwa tayo sa mabilis na aksyon ng ilang kababaihang pulis sa pangyayari, mismong ang pangyayari ang nagsasabi na inutil ang pamahalaan at ang mall sa pagbibigay proteksyon sa mga mamamayan.


Isa lang ang nahuli samantalang pitong iba pa ang nagawang maglaho na parang bula sa kaguluhan tangay ang kanilang mga kinulimbat.


TURISMO AT SEGURIDAD


SA nagaganap na mga krimen at kalamidad kahit kailan at kahit saan sa mahal kong Pinas, dapat na kakambal na programa ng turismo ang pagtitiyak ng seguridad ng mga turista at mamamayan.


Kung hindi magkakambal ang mga ito, wala tayong karapatang gawing sentro ng turismo ang bansa.


Kung mamamatay lang ang mga turista at mamamayan nang walang kalaban-laban sa mga kriminal dahil sa kawalan nila ng seguridad mula sa mga namamahala ng mga sentro ng turismo at ng pamahalaan, kalimutan na natin ang pagpapalaganap ng turismo.


Kung pagsasamantala ang umiiral sa mga sentro ng turismo sa gitna kagipitan, kaguluhan at kalamidad, kalimutan na natin ang ipinagmamalaki nating “It’s more fun in the Philippines!”


Sapagkat sa turismo, ang pagtiyak ng buhay at pagtiyak ng kawalan ng pagsasamantala ang kabilang sa mga pangunahing inaasahan ng mga turista at mamamayan.


Sino ang pupunta sa lugar na puro magnanakaw, mapagsamantala at pumapatay ang kanilang mga madaratnan?


PUNO NG BULAG, STREET FAMILIES


ISAMA na rin natin, mga Bro, ang naglipanang mga bulag, pilay, namamalimos at street families sa usapang ito.


Bahagi ba ng It’s more fun in the Philippines ang pagpapabaya sa ating mga kapatid na may diperensya at sobrang mahihirap at pagpapakita ng mga ito sa mga turista?


Tinatanong natin ito dahil kahit saan tayo magpunta, naglipana talaga ang mga ito.


Ano-ano ba ang dapat na gawin sa mga ito upang maiangat ang kanilang kalagayan at hindi sila parang nagkalat na basura kahit sa mga sentro ng turismo ng Pilipinas?


May magagawa ang pamahalaan para iangat sila sa hindi magandang kalagayan subalit nakapagtatakang hindi kumikilos ang pamahalaan para sa kanila.


Ang inaatupag ng mga anak ng tokwang ito ay ang magpayaman sa pagbubuhos ng salaping-bayan sa mga pakner nila sa mga Public-Private Partnership kahit na walang maibuhos na pondo para sa mga nangangailangan talaga ng pagbabago at pag-angat sa buhay.


GANDANG PINOY


MAGANDA talaga ang Pilipinas, ang likas na yaman nito.


Pero higit sanang maganda ang Pilipinas kung malilinis na ng pamahalaan at ang awtoridad sa turismo ang mga lansangan mula sa mga mahihirap at persons with disabilities na Filipino.


Maganda ring magiging maagap ang mga awtoridad at negosyante sa turismo sa mga kriminal at mapagsamantala na sumisira hindi lang sa turismo kundi sa mapayapa at normal na pamumuhay ng mga mamamayan.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.


The post TERORISMO, KALAMIDAD, KRIMEN AT PAGSASAMANTALA appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



TERORISMO, KALAMIDAD, KRIMEN AT PAGSASAMANTALA


No comments:

Post a Comment