MARAHIL, narinig n’yo na ang katagang “inclusive mobility”. Pero malamang ‘di n’yo rin sigurado kung ano talaga ang ibig-sabihin nito. Kaya, minabuti ko na tanungin na ang mga eksperto ng Inclusive Mobility Network ng Ateneo School of Government para mas maging klaro ang konseptong ito sa inyo.
Ayon sa IMN, ang Mobilidad para sa lahat ay:
1. Isang sistemang pang-transportasyon para sa mga mahihirap at maaaring masaktan, tulad ng mga bata, matatanda at may kapansanan.
2. Isang siyudad na madaling ikutan at kaaya-aya para sa mga naglalakad at nagbibisikleta.
3. Pagpapadali sa pagkilos ng mga mamamayan, hindi ng mga sasakyang de motor.
4. Pagkilos nang ligtas at maayos.
5. Malinis na hangin, kalye, sasakyan at mga pasilidad.
6. Maayos na pagpaplano at komunikasyon para mabawasan ang pagbiyahe.
7. Pagbabahagi ng impormasyon para mapabuti ang pag-uugnay-ugnay ng sistemang pang-transportasyon at mapabilis ang pagkilos ng mga mamamayan.
8. Mahusay na pagpaplano ng mga komunidad para makaraan ang lahat.
9. Pagmumulat ng kaisipan at pagbabago ng mga nakagawian ng mga mamamayan at ng mga awtoridad.
10. Mobilidad ng lahat, mula sa lahat, at para sa lahat.
Mantakin n’yo, kumuha pa sila sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman ng isang eksperto mula sa Departamento ng Lingwistics para lamang maisalin ito sa Tagalog. Maraming salamat po, Junilo S. Espiritu.
Malamang, ang tanong na lumalaro naman sa isip ng karamihan ay, “Bakit naman kailangan ‘yang Inclusive Mobility rito sa atin?”
Alam ba ninyo na 8 sa bawat 10 tao sa Kalakhang Maynila ay sumasakay sa pampublikong transportasyon, nagsisiksikan sa mga tren o sa mga kakarag-karag na bus o jeep?
Alam ba ninyo na 1 sa bawat 10 Filipino – o nasa 10 milyong katao – ay may kapansanan ayon sa World Health Organization; ngunit walang mapagpipiliang ligtas, mura, at maayos na uri ng transportasyon ang mga ito?
Alam ba ninyo na lalong naghihikahos ang mga mahihirap na pamilyang may miyembro na namatay o nasugatan nang dahil sa mga sakuna sa kalsada, ayon sa Asian Development Bank, at kinakailangang mangutang ang 7 sa bawat 10 pamilyang para mapunan ang nawalang kita ng nasabing miyembro?
At alam n’yo ba na noong 2011, 10 sakuna sa kalsada bawat oras ang naitala sa buong bansa; bawat araw ng taong iyon, 5 tao ang namatay at 79 naman ang nasugatan sa mga nasabing sakuna?
Ngayon, na inyo nang nalaman ang mga datos na ito. Kayo na ang magsabi. Kailangan nga ba natin sa Pilipinas ang Inclusive Mobility?
The post ANO BA ANG INCLUSIVE MOBILITY? appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment