TULAD ng inaasahan, bumaha ang luha. Naghinagpis ang sambayanan para mga pulis na nagbuwis ng buhay para sa kapayapaan.
Hindi pa nga nagtatagal mula nang dumating at umalis si Pope Francis kung saan marami rin ang lumuha, luha ng kagalakan dahil sa malasakit na ipinakita ni Papa Francisco, ay nangyari naman ang karumaldumal na pag-massacre sa ilan sa mga pinakamagagaling nating pulis sa Mamasapano, sa Maguindanao.
Apatnapu’t apat na pulis ang brutal na pinaslang ng mga kalaban ng pamahalaan.
Noong isang araw, nagpugay ang sambayanang Filipino sa “Fallen 44.”
Ang pinakaaantig ng damdamin ay ang pag-alaala ng mga mahal sa buhay ng mga nasawi.
Ang mga pinuno ng mga pulis na namatay ay nanawagan na huwag nating kalimutan ang kabayanihan ng “Fallen 44.”
Ang sabi ng kanilang lider – noon pa man ay nandito na kami, ang Special Action Force (SAF), na nakikipaglaban para sa kapayapaan at kaligtasan ng bayan.
Pero dahil lang sa mga ganitong trahedya kung kaya sila nakilala ng sambayanang Filipino.
Ang mga asawa ng mga napatay na pulis ay sumisigaw ng hustisya, nagmamakaawa sa Pangulo na tulungan sila para mapanagot ang mga pumaslang sa kanilang mga asawa.
Pero ang mas nakaaantig ng aking damdamin ay ang mga salita ng ama ng isa sa mga napatay na pulis.
Ang sabi niya, dahan-dahan ay natatanggap na niya ang masakit na katotohanan na ang kanyang anak ay patay na. Inaalo niya na lang ang sarili sa pag-iisip na ang kanyang anak ay namatay na isang bayani at nagbuwis ng buhay para sa ikapagtatagumpay ng kapayapaan sa Mindanao.
Pero ang panghuli niyang sinabi na mas tumimo sa aking isip at puso ay ang dasal na sana – “last na ‘to.”
Sana wala nang kailangan pang mamatay para lang makamtan ang kapayapaan. Sana ay wala nang mag-alay ng dugo para sa katahimikan sa Mindanao. Sana huli na ang “Fallen 44.” Sana sapat na ang kanilang buhay para sa pangarap nating katahimikan.
Pagpalain tayong lahat ng Poong Maykapal.
o0o
Mag-email ng reaksyon at opinyon sa ariel.inton@gmail.com or mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment