HABANG tinitipa natin ito, mga Bro, lahat na lang yata ay nagagalit sa malaking bahagi ng Metro Manila.
Galit ang mga raliyesta laban kay Pangulong Benigno Aquino III. Galit naman ang ilang motorista sa mga raliyista at kay PNoy.
May galit din na iba pa laban sa mga nagrarali. Mas marami ang galit kaysa mahihinahon.
GALIT SA PNOY GOV’T
Nilangaw ang selebrasyon sa EDSA ng mga maka-PNoy, sabi nila.
Sila-silang dilawan lang ang nagpamisa sa EDSA Shrine, sabi ng maraming raliyista bagama’t mayroon din umanong galing sa kanilang hanay.
Wala umanong saysay ang sinasabi ni PNoy na dapat umanong ipagpatuloy ang diwa ng EDSA.
‘Yun bang === pagbabago umano.
Kung ano raw ang pagbabago, sina PNoy lamang umano ang nakaiintindi nito.
Sa dami umano ng mga kasalanan at kapalpakan ng administrasyong Aquino, sigaw ng mga nagtagal sa EDSA, dapat umanong magluklok na ng iba sa Malakanyang at alisin na ang anak nina Ninoy at Cory roon.
Anak ng tokwa, ‘yan umano ang isang pagbabago na dapat umanong mangyari.
MOTORISTA GALIT DIN
Habang lumalalim ang araw o pahapon nang pahapon, ang dami ring galit na motorista at naglalakbay na mamamayan.
Unang ikinagalit nila ang anunsyo ng gobyerno na may pasok at tanging ang mga estudyante lang ang wala.
Alam na nga umano ng gobyerno na may nagbabadyang malaking rali, ginawa pa ring parang karaniwang araw ang Pebrero 25 na pinal na araw ng EDA People Power Revolution.
Galit din ang mga motorista at naglalakbay sa kapalpkan ng Metro Manila Development Authority, mga lokal na pamahalaan at pulisya sa palpak nilang pangangasiwa ng trapiko o daloy ng mga sasakyan.
Hindi naging sapat ang kanilang pagbibigay ng direksyon at espasyo sa lahat ng uri ng sasakyan na naglakbay.
Hindi rin naniniwala ang iba sa ilang lumalaban sa EDSA.
Ipokrito umano ang mga ito at hindi naman umano para sa bayan ang nirarali ng mga ito kundi ang pansarili nilang interes.
GALIT HINDI PAGMAMAHALAN
Kaiba ang feeling sa EDSA ngayon, sabi ng marami ukol sa pagtitipon para People Power Revolution.
Nangibabaw ang galit sa pamahalaan kaysa pagmamahal dito.
Kung noon ay tuwang-tuwa ang mga dumadalo sa anibersaryo at may mga nagko-concert pa para sa natamong kalayaan, ngayon gusto nilang manumbalik ang EDSA 1 at 2.
Wala umanong dahilan upang magsaya ang mga mamamayan at sa halip, dapat umanong magluksa at ilibing ngayon ang administrasyong manhid sa mga paghihirap at kawalan ng kinabukasan ng parami nang paraming mamamayan.
Nanaig ang galit kaysa pagmamahalan.
Sariwang-sariwa ang Mamasapano encounter na puno umano ng kapalpakan. Pero ang Mamasapano encounter ay isang rurok lang umano ng kapalpakan at kapabayaan ng pamahalaan sa nakararaming biktima ng kahirapan.
KALAMIDAD AT IBA PANG KAMALASAN
Nalulunod ang sigaw para sa pagkakaisa at pagpapatuloy ng diwa ng EDSA mula sa bibig ng mga taga-Malakanyang at mga kapakner ng mga ito.
Hanggang kailan kaya matatapos ang engkwentrong ganito?
DAPAT NA MAKIRAMDAM
Hindi biro-biro ang ang selebrasyon ng EDSA ngayon.
Anong malay natin kung ang paglabas ng mga nasa EDSA ay siyang gusto talaga ng nakararami?
Kung ikumpara natin ang sigaw ng EDSA sa mga sigaw sa Facebook, Twitter at Instagram, anak ng tokwa, mas marami talaga ang walang amor sa kasalukuyang pamahalaan.
Tanging ang nakikita nating consuelo ay ang mensaheng pagtiyagaan na lang ang administrasyon na ito na tapusin ang panunungkulan nito.
Saka na lang itulak umanong palabas ng palasyo sa oras ng pagbaba nito sa June 30, 2016. Aray ko po!
O dapat na makiramdam ang mga taga-Palasyo.
MAGBALOT-BALOT NA
Hindi sa ayaw nating magpatuloy si PNoy sa kanyang panunungkulan.
Pero batay sa naririnig natin sa paligid, kahit ngayon ay dapat nang magsimulang magbalot-balot ang mga taga-Palasyo.
Sabi ng iba na hindi nakaaalam kung ano ang iskor nina PNoy at mga tiyuhin niya, “pati kamag-anak niya ay galit… kami pa.”
Ang magandang gawin habang nagbabalot-balot ay mag-iwan ng magandang balita.
Ang totoo, bad news pa nga ang pagpapakulong ng tatlong senador lang sa rami ng mga tirador sa Senado. ‘Yun na. Hehehe!
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment