SA itinakbo ng imbestigasyon ng Senado sa Mamasapano massacre na ikinamatay ng 44 kasapi ng PNP-Special Action Force, lumitaw kung sino talaga ang mga palpak at may kasalanan.
Nasayang lang ang pera ng taumbayan sa ilang araw na Senate hearing na ‘yan.
Alam naman nating lahat kung sino talaga ang tunay na may sala. Kung sino-sino ang mga itinuturo.
Kung sino-sino pa ang gustong sisihin gayong malinaw na sina Pangulong Aquino at resigned PNP chief Alan Purisima ang utak ng malaking kabalbalang ito sa Mamasapano.
Pero maaasahan pa ba natin na aminin ito ni PNoy? Lumabas na ang katotohanan kaya huwag na nating asahan na aaminin pa niya ito.
Sa mga lumalabas na impormasyon, lalo sa palitan ng text nila ni Purisima simula ng madaling-araw ng Enero 25, malaki ang naging papel ni Noynoy sa operasyon na ikinamatay ng 44.
At ang malupit, kahit malaking sablay ang kanilang ginawa ni Purisima, tila walang pagsisisi sa sarili itong pinakamagaling nating Pangulo.
Hindi raw siya nagsisisi kung ipinaubaya kay Purisima ang pangunguna sa Mamasapano operation.
Isang malaking kasalanan sa mga kapulisan, kasundaluhan, lalo na sa taumbayan na ipagkatiwala ang isang malaking police operation laban sa isang terrorist bomber sa isang pulis na suspendido.
Hindi ba’t abnormal ang ganyan? Hindi ‘yan normal sa tinatawag na chain of command. At kung hindi ba naman abnormal, dapat ay agad-agad nang nagsabi sila ng totoo sa sambayanan at hindi nagpaligoy-ligoy pa.
Kung humingi agad sila ng paumanhin sa mga biyuda at pamilya ng mga namatay na pulis sa palpak na operasyon, disin sana’y mababawasan ang hinagpis ng mga ito at mauunawaan ang nangyari dahil maaari namang sabihin na mabuti ang pakay ng misyon ng SAF…ang hulihin ang dalawang terorista na naghahasik ng gulo sa mundo.
Hindi rin sana umabot sa ganitong sitwasyon na ipinapanawagan ng sambayanan na lumayas na sa poder si PNoy dahil abnormal ang kanyang liderato. Sa halip, ipinakita ni PNoy sa mga nakalipas na araw ang kahinaan ng kanyang liderato.
Pagkatapos ng massacre, nakabibingi ang kanyang pananahimik. Ang nakagagalit, mas pinili niyang sumaksi sa pagbubukas ng planta ng mga kotse kaysa salubungin at bigyang parangal ang mga namatay na pulis sa Villamor Airbase.
Nang humarap sa publiko sa telebisyon, walang kakwenta-kwenta pa ang pinagsasabi.
Tinanggap nga ang pagbibitiw ni Purisima pero pinuri muna niya nang husto. Hindi ba’t abnormal ang ganyan? KANTO’T SULOK/NATS TABOY
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment