DAHIL sa patuloy na pagtangkilik at dumaraming mananakay sa Pasig River Ferry System, nagdagdag na ang pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ng mga bangka upang mabigyan ng mas magandang serbisyo ang publiko kung saan ito ang isa sa mga alternatibo nilang transportasyon at makaiwas sa lumalalang trapiko sa lansangan.
Napag-alaman kay MMDA Director Rod Tuazon, mula sa dating pitong bangka, ngayon’y 11 bangka na ang bumabiyahe.
Paliwanag ng opisyal, noong mga unang buwan mula nang simulan ang operasyon ng ferry system ay umaabot lamang sa 150 hanggang 180 kada araw ang sumasakay dito.
Sa kasalukuyan ay halos dumoble na ang mga mananakay sa naturang ferry system kung saan umaabot na ito mula 300 hanggang 350 ang sumasakay at tumatangkilik sa ferry system.
Lalo na umano noong panahon ng Kapaskuhan na laging punuan at halos sabay-sabay na ang pag-alis ng mga bangka na may kakayahang magsakay ng hanggang 30 pasahero.
Ayon kay Tuazon, ito’y pagpapakita lamang na unti-unti nang nakikita ng publiko ang malaking tulong ng ferry system bilang alternatibong transportasyon.
Naglalaro sa pagitan ng P30 hanggang P50 ang pamasahe sa ferry depende sa layo ng biyahe.
Ang naturang Ferry System ay mayroong pitong stations na kinabibilangan ng San Joaquin Terminal sa Pasig City; Sta. Ana; Guadalupe, Makati; Pinagbuhatan, Pasig City; Escolta; PUP Sta. Mesa at Plaza Mexico termninal sa Manila.
Matatandaang muling binuksan ng MMDA ang operasyon ng Pasig River ferry noong Abril, 2014 upang maging alternatibong transportasyon ng ilang mananakay na ayaw maabala sa matinding trapik sa Metro Manila. JAY REYES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment