Tuesday, February 3, 2015

Bebot nag-amok, 1 sugatan

MISTULANG nawala sa sariling pag-iisip ang isang 49-anyos na dalaga nang magwala ito at walang habas na mamaril kung saan lahat ng nakikita nitong tao ay kanyang hinahamon hanggang sa matamaan ng ligaw na bala ang isang kapitbahay nitong lalaki kahapon ng madaling-araw sa Makati City.


Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Indiscriminate Firing and Physical Injuries) ang suspek na si Lilibeth Pedroso, ng 6788 Santuico St., Bgy. Pio del Pilar ng naturang lungsod makaraang arestuhin ito ng mga tauhan ng Makati City Police.


Ginagamot naman sa Makati Medical Center ang biktimang si Rowell Roque, 30, ng 6786 ng naturang lugar, sanhi ng tinamong tama ng bala ng kalibre .9mm na pistol sa bewang.


Sa imbestigasyon ni SP01 Alijandro Devalid ng General Assignment Section, Station Investigation and Detective Management Branch (GAS-SIDMB) ng Makati City Police, alas-12:27 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa naturang lugar.


Nauna rito, nakita na lamang ang suspek na nagwawala habang palakad-lakad sa naturang lugar na pinangyarihan kung saan bigla umano itong bumunot ng baril at walang habas na nagpaputok sa iba’t ibang direksyon.


Habang nagpapaputok umano ang suspek ng baril ay hinahamon pa nito ang mga tao na kanyang nakikita. Ilang beses na nagpaputok ng baril ang suspek na nagresulta sa pagkakasugat ni Roque dahil sa ligaw na bala.


Agad na ipinagbigay-alam sa himpilan ng pulisya ang insidente kung saan mabilis na rumesponde ang mga pulis.


Matapos makipagnegosasyon ang mga pulis ay sumuko naman ang suspek at nakumpiska dito ang dalang baril at narekober sa pinangyarihan ng insidente ang pitong pirasong bala.


Iniimbestigahan pa ng pulisya ang dahilan kung bakit nagwala at nagpaputok ng baril ang naturang suspek, dahil hanggang sa ngayon ay tikom pa ang bibig nito.


Kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng Makati City Police ang suspek. JAY REYES


.. Continue: Remate.ph (source)



Bebot nag-amok, 1 sugatan


No comments:

Post a Comment