BILANG pakikiisa ng lungsod sa pagdiriwang ng 11th National Dental Health Month ngayong Pebrero, ang pamahalaang lungsod ng Marikina sa pamamagitan ng Dental Section ng City Health Office (CHO) katuwang ang Office of the Vice Mayor at Amang Rodriguez Medical Center (ARMC), Philippine Dental Association-Marikina Dental Chapter at Pamantasan ng Lungsod ng Marikina ay magsasagawa ng ilang programa kaugnay ng pagsusulong at pagpapanatili ng oral health sa mga Marikenyo.
May temang “Nakangiti ang kinabukasan kapag ngipin ay pinangangalagaan”, layon ng pagdiriwang na makatulong sa mga residenteng maibalik ang kanilang magandang ngiti sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga ngipin.
Bilang pagsisimula, ngayong araw, Pebrero 2 ay nagsagawa ng isang motorcade na umikot sa lungsod. Isasagawa rin ang dental mission sa iba’t ibang barangay ayon sa sumusunod na schedule: Pebrero 4 sa Brgy. Sto. Niño (Brgy. Sto. Niño Covered Court); Pebrero 6 sa Brgy. Tañong at Brgy. Barangka (Barangka Multi-purpose Hall); Pebrero 10 sa Brgy. Fortune (Pugad Lawin Covered Court); Pebrero 12 sa Brgy. Parang (Brgy. Parang Pavillion); at Pebrero 17 sa Brgy. Malanday (Bulelak Gym).
Samantala, medical mission at dental mission naman ang isasagawa sa Pebrero 13 sa Brgy. Tumana (Doña Petra Covered Court); Pebrero 24 sa Brgy. Nangka (Balubad Covered Court); at Brgy. Kalumpang at Brgy. San Roque sa Pebrero 27 sa San Roque Elementary School kung saan magpapamigay din ng may 400 toothbrush sets sa mga mag-aaral ng nasabing paaralan.
Sa Pebrero 20 ay magkakaroon ng patimpalak na pinamagatang “Marikeño Senior Smile” sa Kawayanan Area (katabi ng Senior Citizens’ Healthy Lifestyle Center) para sa mga nakatatandang Marikenyong kakatawan sa 16 na barangay at magtatagisan sa may pinakamaganda at maayos na ngiti. Magbibigay din ng libreng Random Blood Sugar (RBS) test at electrocardiogram (ECG) test sa mga dadalong nakatatanda.
Gagawin naman sa Pebrero 26 ang isang seminar para sa mga kawani ng Dental Section ng CHO upang maipabatid ang mga makabagong inobasyon at pag-aaral sa larangan ng Dentistry kung saan magiging pangunahing tagapagsalita si Dr. Wilfredo Grande, chief ng Dental Division ng ARMC.
“Mahalaga ang pangangalaga sa ating mga ngipin. Bukod sa magandang ngiti na maibabahagi natin sa ating kapwa ay makakaiwas pa tayo sa pananakit nito. Mainam ding regular tayong magpatingin sa dentista upang maiwasan ang pagkasira ng mga ito,” wika ni Mayor Del De Guzman.
Samantala, pinangungunahan naman ng Philippine Dental Association ang pambansang pagdiriwang kaugnay ng 11th National Dental Health Month.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment