INATRASAN na ng Kamara ang imbestigasyon sa Mamasapano incident kung saan 44 miyembro ng PNP-Special Action Force and namatay.
Pinaatras na ni House Speaker Feliciano Belmonte ang nakatakda sanang imbestigasyon ng House Committee on Public Order and Safety na dapat sana ay sinimulan kahapon, Lunes.
Batay sa utos ni Belmonte, huwag na munang ituloy ang imbestigasyon para bigyang daan ang pagsisiyasat ng PNP Board of Inquiry.
Naniniwala ang speaker na ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry ay magagamit na ng mga kongresista sa kanilang diskusyon sa gagawing sariling imbestigasyon.
Subalit paglilinaw ni Belmonte na hindi niya pinagbabawalan ang sinumang kongresista na igiit ang sarili nilang imbestigasyon pagkatapos ng proseso ng BOI.
Mas makabubuti aniyang ipaubaya na lamang ito sa mga eksperto.
Samantala, pinalagan naman ng Minority Bloc ang kautusang ito ni Belmonte sa pagsasabing mahirap ipaubaya sa PNP-BOI ang imbestigasyon dahil sa simula pa lamang ay pinagdududahan na ang kredibilidad ng mga ito.
Sinabi ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na ito ay dahil ang BOI na binubuo ng mga heneral ng Philippine National Police ay siguradong maiimpluwensiyahan ng suspendidong PNP Chief Director General alan Purisima lalo na kapag nagbalik na ito sa posisyon.
Mismong si Pangulong Aquino na rin aniya ang nag-abswelto kay Purisima kaya hindi na maaasahan na kukwestyunin ito ng BOI at lalong hindi nito susuwagin ang kanilang Commander-in-Chief.
Giit pa ni colmenares na ituloy ng Kamara ang imbestigasyon dahil dito makakaasa ng patas na proseso ang publiko. Meliza Maluntag
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment